Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:15 p.m. San Miguel Beer vs Phoenix
HANGAD ng three-time Philippine Cup defending champion San Miguel Beer na mainit na masimulan ang kampanya para sa ikaapat na sunod na all-Filipino conference title kontra Phoenix Fuel Masters sa pagbubukas ng ika-43 season ng Philippine Basketball Association (PBA) ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Walang kongkretong takbo ng programa na inihayag ang mga namamahala sa natatanging professional basketball league sa bansa bagaman sa natatanging laro sa pagitan ng Beermen at Fuel Masters at ang pagpapakilala ng mga koponan na makakasama ang kani-kanilang mga muse sa pagsisimula ng seremonya alas-2 ng hapon.
Ipaparada ng Blackwater Elite ang artista na si Ashley Ortega habang si Myrtle Sarrosa ang muse para sa Barangay Ginebra. Kasama ng GlobalPort Batang Pier ang modelo na si Hilarry Parungao habang si Phoemela Baranda sa Kia Picanto.
Ang volleyball player na si Rachel Anne Daquis ang magsisilbing muse ng NLEX Road Warriors habang si Rhian Ramos naman sa Phoenix.
Ang mga naging beauty pageant candidate na sina Jodie Tarasek at Laura Lehman ang magsisilbing muse ng San Miguel Beer at TNT KaTropa.
Hanggang kahapon ay apat na koponan ang wala pang kinukumpirma na muse na binubuo ng Rain or Shine Elasto Painters, Alaska Aces, Meralco Bolts at Magnolia Hotshots.
Hindi rin kumpleto ang dating ibinibigay bago pa man magsimula ang torneo na iskedyul ng lahat ng mga koponan kung saan pitong playing dates pa lamang ang nakalagay sa website ng liga at kumpara sa dating pinaglalaruan nito na malalaking venue ay nakatakda nitong isagawa ang ilang laro sa maliliit at dating mga pinaglalaruang lugar.
Kumpara sa madalas nitong paglaruan na Araneta Coliseum, Ynares Center at Mall of Asia Arena, magbabalik ang liga sa dati nitong bahay na Cuneta Astrodome at sa pinakaunang pagkakataon ay magsasagawa ng laro sa San Juan Arena.
Hindi naman makakasama ng Beermen ang kontrobersiyal na top draft pick nitong si Christian Standhardinger sa buong kumperensiya dahil kailangan nitong tapusin muna ang kontrata sa isang sinalihang liga bagaman umaasa si San Miguel Beer coach Leo Austria na agad makapagpapakita ng mahusay na laro ang koponan.
Sasandigan naman ng Fuel Masters ang enerhiya sa bago nitong coach na si Louie Alas sa pagnanais na malasap ang pinakauna nitong pagtuntong sa pangkampeonatong serye sapul ng sumali sa liga.