MAHIGIT dalawang oras kaming nakaupo sa ginanap na celebrity screening para sa “Ang Panday” ni Coco Martin sa Trinoma Cinema 5 kamakailan.
Pero kahit ihing-ihi na kami ay hindi talaga kami tumayo para magbanyo dahil baka may ma-miss kaming mga eksena sa 2017 MMFF entry ng award-winning actor.
Hindi kasi kami makapaniwala na si Coco ang nagdirek ng bagong bersiyon ng “Panday” dahil habang pinanonood mo ito ay iisipin mong batikang direktor na ang gumawa ng pelikula.
Bagama’t inamin naman ng aktor-director na may mga nagbibigay sa kanya ng suggestions mula sa mga kasama niyang beterano sa FPJ’s Ang Probinsyano pero sa kabuuan ay siya pa rin ang nagsimula at tumapos ng pelikula.
Sabi nga ni Sen. Lito Lapid kay Coco, “Bakit ba ang hilig-hilig mong pahirapan ang sarili mo, ginagawa mong kumplikado.”
Ang tinutukoy ng magiting na aktor-politiko na siya ring fight scene director ni Coco ay ang eksena nila sa bundok na nagsasanay ang aktor sa paggamit ng espada kung saan kitang-kita ang kagandahan ng Taal, Batangas.
“Gusto ko po kasi sana sa Batanes kunan ‘yung nag-eensayo ako kasi maganda ‘yung puro bundok at tubig ang makikita, kaso kinapos na sa oras kasi sume-segue ako sa Probinsyano kaya sa Taal kami nag-shoot. Sabi ko, ayaw kong maramdaman ng manonood na parang sa Tagaytay lang ‘yung eksena,” lahad ng aktor.
Dagdag pa ni Coco, “Sabi nga po ng co-actors ko, may pagkasadista ako kasi kung ano ‘yung mahirap ‘yun ang gusto ko.”
Yung eksenang nag-dive si Coco sa isang falls ay sa Tanay, Rizal naman kinunan.
Bentang-benta rin sa mga batang nakapanood na sa pelikula ang mga eksena sa mundo ng mga duwende na parang sa Hollywood movie na “Lord Of The Rings” na kinunan din sa Tagaytay, “Oo nagpa-set up po talaga kami ng hobbit house para sa mga duwende. Magaling talaga ‘yung production designer ko.
“Yun naman po ang key, kailangang magagaling ang mga tao sa paligid ko, magaling ‘yung DOP (director of photography) ko at production designer ko, assistant director, EP ko, lahat na-guide nila ako,” kuwento ni Coco.
Sa tanong namin kay Coco kung hindi ba siya nahirapang idirek ang “Panday” dahil kasabay din ito sa tapings ng FPJ’s Ang Probinsyano, “Hindi naman po kasi sanay na ako. Kasi lahat kami, direktor ko, nagtutulungan na kami and from the very start ako ang creative ng Probinsyano,” kuwento pa ni Coco sa ginanap na Christmas and thanksgiving party niya for the media.
Sa tanong ni bossing Ervin kung ano ang naramdaman ni Coco habang pinapanood niya ang unang pelikulang idinirek niya na siya rin ang bida, “Ninenerbyos po, kasi hindi ko alam kung magugustuhan ng viewers at co-actors ko, pero nu’ng naramdaman kong tuwang-tuwa sina Senator Lito Lapid at Jake Cuenca medyo nakakampate na ako kasi mahirap i-please ang lalaki lalung-lalo na almost everyday nasa Probinsyano ako, kaya paano ko pa malalampasan ‘yun.
“Sabi ko nga, para mapabilib sina Senator Lapid at Jake sa mga eksena namin, masaya ako ro’n. Pero talagang abot-abot ang nerbyos ako,” sabi pa ng nag-iisang Primetime King.
Sa tanong namin kung tumulong din ba si Sen. Lito sa pagdidirek ng movie, “May mga fight scenes ako na humingi ako ng tulong sa kanya kasi sa Probinsyano ngayon siya ang fight director ko.”
Hirit namin kay Coco na bukod sa pagiging direktor, aktor at producer ay pinasok na rin niya ang pagkanta dahil may bonggang production number din siya sa “Ang Panday” kung saan nakasama niya ang ilang magagaling na rapper sa bansa.
“Pakapalan lang ‘yan ng mukha! Ha-hahaha! Mahirap talagang kumita!” tumatawang sagot ng aktor.
***
Puring-puri naman ni Jake Cuenca si Coco bilang direktor ng “Ang Panday”.
“I love it. I love him as a director. Lahat ng artista, we all wish to have an actor as director. Coco Martin is an actor’s director. Naiintindihan niya kung anong pinagdadaanan ng artista in a scene-to-scene basis. Not a lot of current directors know that,” ani Jake.
Binigyan din daw siya ni Coco ng freedom kung paano lalaurin ang kanyang karakter bilang si Lizardo.
“Hindi ka niya ilalagay sa alanganin. In this movie, he just let me play. He trusted me so much na makakapagbigay ako ng performance na kakaiba. I am so happy.
“Nanonood ako ng fight scene noong huli, halos naiiyak ako kasi ang ganda. Ang ganda ng movie na ito.
I am so lucky to be part of this movie,” aniya pa.