‘Ang Panday’ ni Coco inaabangan na ng mga bata

COCO MARTIN

INAABANGAN na ng mga kababayan natin ang pelikulang “Ang Panday” na pinagbidahan at idinirek ng magaling at napapanahong aktor ng aksiyon at drama na si Coco Martin.

Napakalaki ng bentaheng maging topgrosser sa MMFF ang pelikula ni Coco dahil mas matindi ang pag-aabang ng mga bata sa kanyang proyekto.

Tanungin mo ngayon ang mga bata at isa lang ang bukambibig nila, ang “Ang Panday”, na sa trailer pa lang ay isandaang porsiyento nang nakapangumbinse sa kanila na panoorin ang pelikula.

Makasaysayan ang kuwentong ito na nagmula sa mayamang isip ni Direk Carlo J. Caparas. Mas naging hinog pa ang interes ng publiko sa istorya dahil sa pagganap bilang Flavio ng namayapang Hari Ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na pagkatapos nang ilang taon ay ginampanan naman ni Senador Bong Revilla.

Kahit ang mga milenyal ay hindi maililigaw, kilala nila sina Flavio at Lizardo, kaya siguradong nakasapatos na ang pera ng bayan para lumakad papunta sa kaban ng yaman ni Coco Martin.

Sabi nga ng kaibigan naming si Sonia, “Naku, walang pakialam sa mga laruan ang mga pamangkin at apo ko, ang pinaglalaanan nila, e, ang pelikula ni Coco Martin!

“Sa mismong Pasko, manonood na sila, mga tagasubaybay rin kasi ng Ang Probinsyano ang mga pamilya nila!”

Read more...