HINDI nababahala si Dennis Trillo na baka isipin ng mga manonood na naging bakla na nga siya dahil sa napakaepektib na akting niya bilang gay lover ni Tom Rodriguez sa GMA TeleBabad series na My Husband’s Lover na napapanood pagkatapos ng Mundo Mo’y Akin.
Sa nababasa naming reaction ng mga tao sa mga social networking sites tulad ng Twitter at Facebook, tuwang-tuwa sila sa “loveteam” nina Dennis at Tom sa nasabing serye. In fact, marami nga ang kinikilig sa kanilang tambalan na tinatawag ngayong “TomDen”.
Sey ni Dennis natatawa na lang siya kapag may nagsasabing baka raw bumigay na siya, hindi raw kaya mas gusto na niya ngayon ang lalaki dahil ilang beses na siyang nabibigo sa pakikipagrelasyon sa babae. “Totoo, nakakapanibago talaga. I mean, nakapag-portray na rin naman ako ng bading dati.
Pero ngayon ang parang pang-matagalan ‘to. Kumbaga, magsasama kami ni Tom ng isang season, para sa isang show. So, yun, nakakatuwa, nakakatuwa talaga,” pahayag ni Dennis nang makapanayam ng press pagkatapos ng pilot episode ng bagong Sunday afternoon show ng GMA na Sunday All Stars.
Okay lang daw kay Dennis na loveteam ang tingin sa kanila ng manonood, “Sa reaction ng mga tao, parang ganoon na nga. Nakakatuwa naman, kasi alam naman nila na hindi kami parehong bading. Si Tom, may girlfriend siya. “Ako, siguro naman, walang kukuwestiyon ng pagkatao ko.
Basta ako, natutuwa ako na itong tambalan namin, tumatak sa mga manonood ang mga characters namin. “And this very early, week one pa lang, parang isang linggo na yata siyang nag-trending, worldwide,” sey pa ng aktor. Sa tingin din ni Dennis, nagustuhan ng audience ang akting nila ni Tom dahil pareho silang dedicated sa kanilang trabaho, “Pareho kaming seryoso sa ginagawa namin.
Pinaniniwalaan namin ang mga karakter namin at importante rin na para maniwala ang mga manonood, maniwala ka rin sa ginagawa mo. Na, ‘Uy, parang totoo nga na meron sila…’ Kahit alam nilang umaarte lang kami. So, effective pa rin.”
“Siyempre, napakasaya ng feeling, hindi namin ma-explain kung gaano kami kasaya dahil hindi namin akalain na mamahalin ng tao.
Unang linggo pa lang na ipinalabas namin, pero grabe na ang kuneksiyon nila sa amin. Nagulat kami na ang daming taong nakaka-relate. Hindi namin akalain. “Nakakagulat talaga. Kasi akala namin, ang makaka-appreciate lang nito, mga beki lang. Pero nakakagulat, pati mga babae at lalaki, kinikilig. Hindi namin maintindihan kung anong meron, bakit ganoon ang reaksiyon nila,” natatawang chika pa ni Dennis.