“GANYAN naman talaga rito sa industriya natin, bigayan lang!”
Ito ang sagot ni Joross Gamboa sa tanong kung paano nilang napakiusapan at nakuha nang libre ang mga malalaking artistang nag-guest appearance sa 2017 MMFF entry nilang “Deadma Walking.”
Kasama na nga riyan sina papa Piolo Pascual, Gerald Anderson, Iza Calzado, Eugene Domingo, direk Joel Lamangan, among others.
“Lagi rin naman kasi kaming nagbibigay ng suporta sa kanila, so this time, kami naman daw ang susuportahan nila,” sey pa ni Joross.
Abot-langit ang pasasalamat ng mga bida sa pelikula na sina Joross at Edgar Allan Guzman dahil hindi nga nagmaramot ang mga kaibigan nila sa showbiz. Sabi nga ni Joross, “Talagang nagmukhang mahal ang entry namin dahil sa mga mukha nila.”
Reaksyon naman ng direktor nilang si Julius Alfonso, “Nakaka-overwhelm ang professionalism nila. Si Papa P nga ang pinakaunang dumating sa set. At nang magkasunod-sunod na ang dating nila, hayun nahilo na kami nang kaka-entertain sa kanila. Siyempre libre lang appearance nila kaya we can’t afford na ire-schedule pa sila.”
Graded A ng Cinema Evaluation Board ang “Deadma Walking” at gaya nga ng “Ang Larawan”, na isa rin sa official entry sa MMFF this year, inaasahan ding hahakot din ito ng awards dahil sa galing ng cast at nakakabilib na production mula sa T-Rex Entertainment at OctoArts Films.
***
Noong sinusulat pala ng award-winning writer na si Eric Cabahug ang “Deadma Walking” (Palanca winner for Literature), ang nasa isip niyang gumanap sa mga pangunahing roles nina Joross at Edgar Allan ay sina Aga Muhlach at Roderick Paulate respectively, with Maricel Soriano sa role ni Dimples Romana bilang ate ng karakter ni Joross.
Ngunit hindi nga ito nangyari kaya’t inalok sa iba, “John Lloyd Cruz liked the script at sinabi niyang interesado siyang gawin ang role ni Joross, pero dahil sa dami ng commitments niya, hindi rin natuloy.
We also offered it to Dingdong Dantes, na nagustuhan din niya pero hindi siya puwedeng mag-shoot until October this year, so hindi rin pumuwede.
“So the final choice, sina Joross, EA at Dimples. At hindi kami nagsisi na sa kanila napunta ang project. Napakasaya ng movie at napakagandang lumabas,” hirit pa ni direk Julius.