NAGBUNYI ang producer (Rex Tiri), writer, director at lead cast na sina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman, ng festival entry na “Deadma Walking” nang makakuha ito ng Grade A mula sa Cinema Evaluation Board.
Higit na nakadama ng excitement si Joross dahil sa positibong feedbacks na natatanggap ng pelikula.
“Saka natuwa ako dahil nagkita kami ni Dingdong (Dantes) sa kasal ni Wendell (Ramos).
“Sabi ni Dingdong, excited siya para sa akin sa pelikula. Kasi in-offer din ito sa kanya, eh. Sabi ko na lang kay Dingdong, nagpapasalamat na lang ako dahil sobrang blessed siya at may mga project na iba na napunta naman sa amin.
“Naambunan kami ng blessing. Pero at least, parang blessing na rin ‘yon galing kay Dingdong na excited siyang panoorin ang pelikula,” pahayag ni Joross sa presscon ng kanilang coma (comedy-drama) movie. Inalok din daw ang pelikula kay John Lloyd Cruz.
Matapos mapanood ang pelikula, satisfied si Joross sa pagkakagawa nito pati na sa performance niya.
So lalaban ba siya bilang best actor pati na rin ang co-star niyang si Edgar Allan Guzman?
“Basta binibigay ko lang ang gusto ng director. Ipapasa-Diyos ko na lang ang mangyayari,” rason niya.
Teka, siya ba talaga ‘yung humiga sa kabaong na siyang highlight ng movie? “Oo. Hindi ako natatakot. Kaya ko ngang matulog sa kabaong, eh. Kabaong lang naman ‘yon eh. Saka lahat naman tayo mamamatay. ‘Yun ang kailangan nating tanggapin. Pero hindi lahat makaka-experience mabuhay nang buo.
“Ako nga pag mamamatay ako, gusto kong ma-donate ‘yung body parts na mapapakinabangan pa,” katwiran ni Joross.
Saan siya nahirapan sa paggawa ng movie? “Sa pagtimpla ng pagiging bading. Kung ibibiswal ko, parehas kami ni EA. Kailangan ‘yung bading na hindi kailangang lumandi although malandi ako pag kasama ko ang best friend ko kasi may ganoon eh. Nakukuha mo ang ugali ng kaibigan mo pag magkasama kayo.
“Pero kapag ikaw mag-isa, quiet ka lang. Sabi ko nga, ang peg ko lang si Noel Ferrer (his manager). Pero tame down lang. Si EA ang mas biswal,” chika pa ni Joross.