IBINASURA ng Court of Tax Appeals (CTA) Third Division ang P17 milyong kasong tax evasion laban sa anak na babae ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa isang resolusyon, pinawalangsala ng CTA si Jeane Catherine Napoles dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Inakusahan si Jeane ng kabiguang magbayad ng buwis mula 2011 hanggang 2012 kaugnay ng kanyang P54.73 milyong Ritz Carlton condominium unit sa Los Angeles, California, at ang P1.49 milyong mga sakahan sa Pangasinan.
“The prosecution failed to prove that there is any income tax due from accused, creating reasonable doubt as to the guilt of accused,” sabi ng 17-pahinang resolusyon.
Nahaharap naman si Napoles sa plunder sa harap ng umano’y P10 bilyong pork barrel scam.