OFW sinisi ang sarili sa pasaway ng anak

MAGSASAMPUNG-taon nang OFW sa Hongkong ang single mother na si Maribel. May tatlong anak at matagal nang hiwalay sa asawa..

May isa nang mag-aaral sa kolehiyo ngayong pasukan. Kaya’t Disyembre pa lamang noong nakaraang taon, pinakiusapan ang dalawang anak na nag-aaral sa high school na lumipat na muna sa pampublikong paaralam ngayong pasukan.

Kampante si Maribel na nauunawaan ng mga anak ang kaniyang kalagayan bilang solo parent.

Usapan nilang padadalhan na lamang ang mga anak ng regular na pangangailangan para sa kanilang mga gastusin sa bahay at sa paaralan. Kapitbahay ng mga bata ang kaniyang kaibigan na asawa naman ng isang seaman, at dito niya inihahabilin ang mga bata upang patingnan niya paminsan-minsan at alalayan kung kinakailangan.

At ngayong simula na ang pasukan, nangutang pa si Maribel sa kaibigang OFW sa Hongkong upang makapag-padala ng mga pambili ng mga gamit sa eskwela.

Nagulat na lamang siya ng tumawag sa kaniya ang panganay na anak. Ikatlong araw na pala niyang hinahanap ang bunsong kapatid na 14 years old. Hindi niya masabi sa kanilang ina dahil ayaw niyang mag-alala ito. Di nagtagal at may nakapagturo na ang kapatid ay nakitira sa kanyang boyfriend.

Laking gulat ng ate dahil hindi niya alam na may BF na pala ito. Lalo pang nadagdagan ang pagkagulat nito nang malamang tatlong buwan na palang buntis ang kapatid.

Kinausap ni ate ang kapatid. Nagrerebelde ‘anya siya dahil mas paborito ng nanay nila ang kaniyang ate at pinag-aral pa sa private school samantalang sila inilipat sa public school para lamang matustusan ang panganay na kapatid.

Kahit atubiling ipagtapat sa ina, ay ginawa na rin ni ate, kaysa nga naman paglihiman pa ang ina at baka lalong lumala ang problema.

Masamang-masama ang loob ni Maribel nang malaman ito. Buntis ang kaniyang bunso at manganganak sa loob ng anim na buwan.

Sising-sisi ang ina sa nangyari. Ngunit payo ng kaniyang mga kasamahang OFW, huwag niyang sisihin ang sarili dahil kahit sa private school ito pag-aralin, ganun din ang maaaring mangyari sa kaniya. Pinili iyon ng kaniyang anak at hindi dapat ma-guilty si Maribel sa naging aksyon ng kaniyang anak.

Hangad na lamang ni Maribel na magtino sa pag-aaral ang dalawa pa niyang anak dahil sila na lamang ‘anya ang pag-asa ng inang nagpapakahirap sa ibayong dagat, at kahit papaano’y makaahon man lamang sa kahirapan ang mga batang ito, hindi na lamang para sa kaniyang sarili, kundi para na rin sa kanila mismo.

Isa po akong OFW dito sa Riyadh, KSA. Sultan Al Fouzan ang company ko at Concept Placement Resources Inc. ang agency ko sa Manila. Tulungan niyo po ako Ma’am. Tinerminate po ako ng amo ko, 2 buwan na po akong walang trabaho, humingi na po ako ng tulong sa agency pero mabagal po ang proseso nila. – Rico Punzalan

Sagot:
Rico, kailangan kang magtungo sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh, KSA at makipag-ugnayan kay Labor Attache Adam Musa upang alamin ang dahilan ng inyong termination.

Dito naman sa Pilipinas, nakikipag-ugnayan ang Bantay OCW sa tanggapan ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac upang papanagutin ang inyong ahensiya na magpadala ng inyong plane ticket pauwi ng Pilipinas at sisingilin din natin sa kanila ang hindi mo natanggap na suweldo pati na rin ang unexpired portion ng inyong contract para sa iyong money claim.
Handa naman si Atty. Elvin Villanueva, ang ating kaagapay sa mga problemang legal upang matulungan ka.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

 

 

READ NEXT
Suko sa yosi
Read more...