MAGPAPAKITANG-GILAS muli sa pagdadrama si Alex Gonzaga sa longest-drama anthology sa Asya, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Gagampanan ni Alex ang karakter ni Riza na na-diagnose ng kidney failure. Ngunit sa kabila ng kanyang kundisyon, nanatili pa ring positibo ang pananaw niya sa buhay.
Sa paglaban niya sa kanyang sakit, makikilala niya si Joel (gagampanan ng nagbabalik-Kapamilyang si Hero Angeles), isang mahiyain ngunit mapagmahal na anak at sobrang hardworking. Siya rin ang breadwinner ng pamilya kaya halos mapabayaan na rin niya ang sarili.
Sa pagbuo ng magandang pagkakaibigan, tinuruan ni Riza si Joel na mahalin din niya ang kanyang sarili at maglaan ng kahit kaunting bahagi ng kinikita para sa pansariling kaligayahan.
Ngunit makalipas ang dalawang taon, mas lalong lumala ang kundisyon ni Riza, kasabay nito mas lalo rin siyang napamahal kay Joel.
Nalaman ng binata na kailangan na ng kidney donor ng dalaga sa lalong madaling panahon kaya walang pag-aalinlangang pumayag siya na ibigay ang kanyang kidney sa babaeng pinakamamahal.
Maging matagumpay kaya ang operasyon ni Riza? Paano tatanggapin ng pamilya ni Joel ang katotohanan na hindi lang sila ang kailangang buhayin nito dahil may kahati na sila sa puso at buhay ng binata? Magkaroon pa kaya ng “forever” sina Joel at Riza sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaraanan nila?
Sa direksyon ni Theodore Boborol at sa panulat ni Joan Habana, makakasama rin sa MMK episode na ito sina Allan Paule, Isay Alvarez, Simon Ibarra, Ynez Veneracion, Zeppi Borromeo, Mikylla Ramirez, Nikki Gonzales, David Chua at Lao Rodriguez.
Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN pagkatapos ng Little Big Shots.