Atsoy ng PDEA ang PNP sa drug war

BUTI naman at may marunong sa batas sa Malakanyang kaya’t napayuhan ang Pangulong Digong na dapat ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nangunguna sa kampanya laban sa droga.
Ito’y nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Law of 2002. Ayon sa nasabing batas, ang PDEA ang tanging ahensiya na nangunguna sa laban sa droga.

Lahat ng mga ibang law enforcement agencies, kahit na ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ay gumaganap ng secondary role sa PDEA.

Napakainutil naman nitong sina Presidential Legal Adviser Salvador Panelo at Justice Secretary Vitaliano Aguirre, na dapat ay nagbibigay payo sa Pangulo tungkol sa batas.

Dapat ay ibinulong nila sa pangulo na tanging ang PDEA lamang ang naatasan ng batas na sugpuin ang droga.

Ang ibang mga ahensiya, gaya ng Philippine National Police (PNP), ay puwedeng magbigay ng suporta sa PDEA kung ang kanilang tulong ay hiningi.

***

Kaya’t dapat ay maging mapagpakumbaba o humble naman itong si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa.

Atat na atat kasi itong si Bato na muling manguna ang PNP sa kampanya laban sa droga matapos ibigay ito sa PDEA dahil sa kapalpakan ng maraming pulis.

Minamaliit ni Bato ang PDEA dahil kulang daw ito sa tao na habulin ang mga drug lords, traffickers at pushers.
Ngayon na alam na ni Bato na kailangang ang PDEA ang manguna sa kampanya laban sa droga, dapat ay tumigil na siya sa kadadakdak na parang tindera ng bangus sa palengke.

Sa ilalim ng batas, puwedeng i-deputize ng PDEA ang PNP para makadagdag-tauhan o force multiplier.
In short, atsoy lang ng PDEA ang PNP kung droga ang pinaguusapan.

Kaya’t ikaw dela Rosa, atsoy ka lang ni PDEA Director General Aaron Aquino kung droga ang pinag-uusapan.

***

Sa Philippine Military Academy (PMA), walang sinasantong mga anak ng politicians o military generals sa disiplina at matinding training.

Karamihan sa mga anak ng mayayaman at pulitiko o heneral ay hindi nagtatagal at lumalabas.

Kapag nalaman ng mga upperclassmen na anak ng isang Poncio Pilato ang isang bagong kadete, pinahihirapan nila ito.

Halimbawa, ang anak ni Maj. Gen. Fortunato Abat, Philippine Army commanding general, ay pinakakain ng diyaryo  ng kanyang mga upperclassmen kapag lumabas ang pangalan ng kanyang tatay sa pahayagan.

Ang tindi ng pagpapahirap sa kanila ang nagiging dahilan kung bakit ang mga anak ng mga mayayaman o heneral ay umaalis.

Ibilang mo na ang aking pinsan na si Alexei Aguirre, anak ng noon ay Brig. Gen. Alexander Aguirre, commander ng Capital Region Command (Capcom) na ngayon ay National Capital Region Police Office.
Dahil sa taas ng puwesto ng kanyang tatay ay binugbog nang matindi si Alexei na naging sanhi ng kanyang pagkaka-ospital.

Kahit na gusto pa niyang magpatuloy, pinagbakasyon muna siya ng PMA authorities dahil sa tindi ng bugbog na natamo niya.

At gaya ng lahat ng kadete, hindi nag-squeal o nagsumbong si Alexei kung sino ang mga upperclassmen na bumugbog sa kanya.

***

Kumpara mo ang PMA sa counterpart nito, ang Philippine National Police Academy, at makikita mo ang malaking pinagkaiba sa dalawang academies.

Tingnan mo na lang ang anak ng PNP chief na si Bato dela Rosa na si Rock.

Si Rock ay isa sa mga na-recognize, sampu ng kanyang mga kasamahang fourth class cadets, na miyembro PNPA Cadet Corps matapos ang ilang buwang beast barracks o pagpapahirap.

Pero si Rock lamang ang hindi dumaan sa hirap, ayon sa mga upperclassmen na aking nakausap.

Paano naman daw nila makakanti o madisiplina si Rock samantalang marami siyang bodyguards na nagbabantay sa kanya?

At hindi raw ito natutulog sa barracks kundi sa labas.

Ayaw raw na ipagalaw ni Bato ang kanyang anak kaya’t off-limits ang mga upperclassmen sa kanya.

Sabi pa nga ni Rick Ramos, dating columnist ng Manila Times, “shameless entitlement” o kawalanghiyaang paggamit ng poder ang ginawa ni Bato.

Read more...