MAGANDA at makabuluhang regalo para sa mga estudyante at guro ang pelikulang “Maestra” sa darating na Pasko.
Ang advocacy film na ito mula sa Dr. Carl Balita Production ay pinagbibidahan ng award-winning actress na si Angeli Bayani na gaganap bilang si Gennie Panguelo, Aeta-Ilocana teacher na nagtuturo sa isang paaralan sa tuktok ng Pinatubo Valley sa loob ng 25 taon. Nakapasa siya sa board matapos ang 20 retakes.
Sa nakaraang presscon ng “Maestra” hiling ng producer na si Carl Balita at ng direktor nitong si Lemuel Lorca na sana’y mapanood ito ng lahat ng estudyante at guro sa buong Pilipinas dahil talagang ginawa nila ang pelikulang ito para sa kanila.
“Maestra is a movie tribute to the heroes of the past, the present and the future generations – ang ating mga teacher. It is created to immortalize stories of the lives, struggles and triumphs of teachers in a full-length film,” ayon kay Dr. Carl, isang multi-awarded educator, advocate at entrepreneur.
Masaya ring ibinalita nina Dr. Carl at direk Lemuel na binigyan ng GRADE A ng Cinema Evaluation Board ang kanilang pelikula.
Kuwento naman ni Angeli, pangarap din niya noon na maging teacher tulad ng kanyang namayapang ina, “Guro rin kasi ang nanay ko, sa pre-school teacher. Siyempre siya yung first teacher ko literally so nasaksihan ko kung paano siya gumalaw bilang teacher, as a student, and as her daughter.
“And I believe, calling niya talaga ‘yun. She really loved teaching and in fact I remember nung college ako nag-pursue pa siya ng higher learning para dun.
“At ‘yun yung naiwan talaga sa akin, so nu’ng in-offer sa akin nina Dr. Carl ang project na ito, sino pa ba ang gagawin kong peg kundi nanay ko,” ani Angeli.
Proud na proud din ang aktres na nakasama siya sa proyektong ito na sumasaludo sa kadakilaan ng mga guro.
“Tribute talaga siya for our teachers, pero it’s also my personal tribute to my mother and to teachers like her. So it’s quite personal. Lalo na yung sa situation ni Ma’am Gennie it’s very, very hard for her.
“Growing up personally as a daughter of a teacher, I remember quite clearly how hard it is to be living on a teacher’s salary. Hindi biro yung tinutuloy mo yung ganung klaseng calling kahit financially challenged ka dahil lang gusto mong magturo at sobrang mahal na mahal mo ang pagturo,” sabi pa ni Angeli.
Sa isa namang panayam, ipinagdarasal ni Angeli, ng kanyang mga co-stars sa movie at ng buong production na sana’y marami ang makapanood ng kanilang pelikula.
Dagdag pa ng aktres, “If you have a dream, it is your obligation to pursue it whatever that dream is. If you pursue your dream no matter what the obstacles are, you inspire yourself, you inspire the people around you, then you become literally a light in the dark.”
Kasama rin sa “Maestra” sina Anna Luna, Gloria Sevilla at marami pang iba. Mapapanood na ito bilang bahagi ng Cine Lokal Film Festival sa darating na Dec. 8 at Dec. 9 sa SM Megamall, Mall of Asia, North Edsa, Southmall, Manila, Sta. Mesa, Fairview at Bacoor.
Ang theme song ng pelikula ay isinulat ng multi-awarded songwriter na si Vehnee Saturno na nagbigay ng mas makabagbag-damdaming scoring sa kuwento.
Post script: Ang “Maestra” ay nagwagi na ng ilang awards mula sa ilang international filmfest tulad ng Best Lead Actress para kay Anna Luna (Five Continents International Film Festival sa Venezuela); Special Mention, Best Screenplay para kay Archie del Mundo (Five Continents International Film Festival).