‘Panday’ ni Coco may bagong-bihis, pang-millennial


BENTANG-BENTA ang trailer ng “Ang Panday” ni Coco Martin nang ipalabas sa Robinson’s Magnolia Cinema 3 kung saan palabas ang “Unexpectedly Yours” nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.

Kakaibang “Panday” kasi itong version ni Coco kumpara sa mga ginawa ni Da King Fernando Poe, Jr., at dating Sen. Bong Revilla. Binigyan na kasi ito ng bagong bihis – makikitang nakikipaglaban na si Panday habang nakasakay sa motor with matching leather jacket.

O, di ba, ang tarush ni Coco sa version niya ng “Ang Panday”, nilagyan talaga nila ito ng “millennial touch” para maka-relate ang mga kabataan ngayon sa kuwento ng Panday.

Kahanga-hanga rin si Jake Cuenca bilang kontrabida ni Coco sa movie, ibang atake naman daw ang ibinigay niya sa pelikula para maiba sa mga villain roles na nagawa na niya, lalo na sa karakter niya sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin na kalaban naman ni Gerald Anderson sa kuwento.

Samantala, sa teleserye namang FPJ’s Ang Probinsyano, nagbabadya ang bagong panganib sa buhay ni Coco bilang si Cardo Dalisay dahil sabay-sabay nang aatake ang kanyang mga katunggali.

Wala nang kawala si Cardo at ang mga kasamahan niya sa Pulang Araw dahil patuloy na isisisi sa kanila ni direktor Hipolito (John Arcilla) ang sunod-sunod na pagsabog ng mga bomba sa Maynila, na lalong sisira sa kanilang reputasyon. Sabay din dito ang planong paghihiganti ni Don Emilio (Eddie Garcia) sa pakikipagtulungan kay Sen. De Silva (Joko Diaz) upang matugis ang kanyang mortal na kaaway.

Sa kabila naman ng mga pagsubok, patuloy namang tutulungan si Cardo ng kanyang lolo Delfin (Jaime Fabregas) at ng asawang si Alyanna (Yassi Pressman) sa paghahanap ng katotohanan sa katawaliang nangyayari sa gobyerno.

Malantad na kaya ang katotohanang si direktor Hipolito ang may kagagawan ng lahat ng kasamaan?

Patuloy kayang maging ligtas si Cardo mula sa kapahamakan? Tutukan ang FPJ’s Ang Probinsyano gabi-gabi sa ABS-CBN.

Read more...