SINANDIGAN ni 2017 Southeast Asian Games gold medalist Mary Joy Tabal ang hinagpis sa pagkamatay ng ama bago lumaban sa karera upang itala ang kasaysayan bilang unang babaeng runner na nagwagi ng limang sunod na korona sa National Milo Marathon Finals na ginanap kahapon sa Cebu City.
Bitbit ang hinagpis at luha ay tinawid ni Tabal ang kabuuang 42.195 kilometrong distansiya sa 2:58:01 oras upang itala ang mahirap pantayan na limang diretsong taon na tinanghal na kampeon sa kada taon na karera.
Napantayan din ni Tabal ang rekord sa kabuuang limang titulo na inuwi sa magkakahiwalay na mga taon ni Arsenia Sagaray na nagwagi noong 1978, 1979, 1980, 1982 at 1983.
Pumangalawa naman ang apat na beses naging kampeon na si Christabel Martes (3:04:20) at ikatlo ang naging dalawang beses nagkampeon na si Jho-an Villarma (3:11:26).
Nagpakilala naman ang Davaoeño salesman na si Joerge Andrade bilang bagong iidolohin sa takbuhan matapos na gulantangin ang mga kalaban sa pagsungkti sa unang unang Milo Marathon King title.
Itinala ni Andrade ang oras na 2:39:34 upang biguin ang dating kampeon na si Erick Panique (2:42:10) at ang limang beses naging Milo Marathon King at two-time Olympian na si Eduardo Buenavista (2:43:34).
Hindi naman maiwasan ni Tabal ang lumuha pagtawid nito sa finish line kung saan tinakbo nito ang ruta kahit bitbit ang kalungkutan sa pagkamatay ng kanyang ama na si Rolando. Pumanaw ang ama nito na si Rolando Tabal Sr. Sabado ng umaga, isang araw bago sumabak si Tabal sa importanteng karera.
“Lagi po niya akong sinasalubong pagkatapos ng karera. Ngayon po wala na siya na sumasalubong lagi sa akin,” sabi ni Tabal, na napaluhod pagtawid sa finish line. “Nagte-training po ako sa Italy sa nakalipas na linggo at umuwi sa Cebu noong Martes. Hindi ko na po siya nakita sa nakalipas na araw bago siya namatay. Tanging sa phone ko lamang po siya nakakausap.”
“Ayaw ni Papa na mawala ako sa focus at sinabihan niya ako na huwag na siya bisitahin at magkita na lamang kami pagkatapos ng karera. Tapos, nangako kami sa isa’t-isa. Sinabihan pa niya ako na ipapagdasal niya ako lagi at naniniwala siya na kaya kong manalo sa kareran” sabi pa ni Tabal.
Halos umayaw na si Tabal na tumakbo sa karera dahil sa kalungkutan at hinagpis subalit mas binigyan nito ng asam ng ama na takbuhibn ang karera.
“It was really a trying time for me, but I had to be stronger. I was 100% ready to win. I finished strongly and safely kasi alam ko na kasabay ko na tumatakbo ang Papa ko,” umiiyak na sabi ni Tabal. “Alam ko gusto niya na maabot ko ang goal namin na maging five-time Milo Marathon Queen. I dedicate this race to Papa. I know he will be with me in all of my races. He was the one who taught me to never give up, and I never will.”