HINUBARAN ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ng korona ang karibal na De La Salle University Green Archers sa harap ng mahigit 22,000 manonood sa paghablot ng 88-86 panalo sa Game 3 ng UAAP Season 80 men’s basketball finals Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Sinandigan ng Blue Eagles ang 10-0 bomba sa pagsisimula ng ikaapat na yugto tungo sa kabuuang 14-4 atake sa loob ng anim na minuto para itala ang 80-70 bentahe bago pinigilan ang nagtatanggol na kampeong Green Archers upang iuwi ang ikasiyam nitong korona sa liga.
Hindi lamang pinigil ng Blue Eagles ang apat na taong pagkauhaw sa korona kundi nakabawi rin ito sa kabiguan na nalasap noong nakaraang taon sa Green Archers.
Huling magkampeon ang Ateneo noong 2012 na pinakahuli sa itinala nitong makasaysayang limang sunod na pagwawagi sa titulo.
Pinilit ng La Salle na makabawi sa laro matapos na huling dumikit sa dalawang puntos, 80-82, sa paghulog ng 10-2 bomba tampok ang isang tres ni Andrei Caracut, may natitira pa na 48.6 segundo sa laban.
Gayunman, hindi nito nagawang bantayan ang sentro ng Ateneo na si Isaac Go na muling isinalba ang Blue Eagles sa ibinato nitong tres, may 24.7 segundo na lamang sa laro, na nagtulak sa Katipunan-based na koponan tungo sa kumportableng 85-80 kalamangan.
Pinangunahan ni Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III, na nalasap ang kanyang unang kampeonato sa men’s division, ang Blue Eagles sa itinalang 17 puntos, pitong rebound, apat na assist at tatlong steal habang nagdagdag si Matt Nieto ng 14 puntos at si Chiz Ikeh ay nag-ambag ng 12 puntos.
Tinanghal din na Finals MVP si Ravena.
Nagtulong-tulong muna sina Ravena, Ikeh at Matt Nieto sa pagkamada ng pinagsamang 15 puntos para sa Blue Eagles na nagawang magtala ng 10 puntos na bentahe sa pagtatapos ng unang yugto, 24-14.
Gayunman, agad naghulog ng 14-4 atake ang Green Archers upang itabla sa unang pagkakataon ang laban sa iskor na 28-all, may 4:54 pa sa laro bago gumanti ang Blue Eagles sa 9-4 atake para kapitan ang 37-32 kalamangan sa 2:25 marka ng ikalawang yugto.
Nagawa naman ng Green Archers na kapitan ang una nitong abante sa laro sa pagpasabog ng 7-0 atake para sa 38-37 bentahe ngunit nakaganti ang Blue Eagles sa pagganti ng pitong sunod na puntos kabilang ang isang tres ni Anton Asistio sa huling 0.9 segundo na nagbigay sa koponan sa 45-38 abante.
Scores:
Ateneo (88) — Ravena 17, Ma. Nieto 14, Ikeh 12, Asistio 11, Tolentino 9, Go 7, Verano 6, Mendoza 5, Black 4, Mamuyac 3, Mi. Nieto 0.
La Salle (86) — Mbala 19, Melecio 16, R. Rivero 14, Caracut 13, Santillan 11, Tratter 4, Go 3, Montalbo 3, P. Rivero 2, Tero 1, Baltazar 0.
Quarters: 24-14, 45-38, 66-66, 88-86.