ISANG natatangi at makabuluhang pagganap ang ibibigay ni Empress Schuck sa kanyang muling pagbabalik sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado dahil ipapamalas niya ang hirap at panghuhusgang pinagdaraanan ng isang taong may HIV o human immunodeficiency virus bilang suporta sa World Aids Day kahapon.
Nang malaman na HIV positive siya, palagi nang iniiwasan, nilalayuan at pinandidirihan si Liza (Empress) ng mga tao sa paligid niya. Nakuha niya ang kanyang sakit sa namatay niyang asawa na si Bruno (Ivan Padilla).
Kahit ganito na ang kanyang sinapit, hindi naman siya pinabayaan ng kanyang magulang. Sa katunayan, sila pa nga ang nag-udyok sa kanyang lumantad at ibahagi ang kanyang istorya bilang pangalawang taong nagkaroon ng HIV sa Pilipinas.
Naging aktibo siya sa sinalihang HIV advocacy group at bagamat malinis at maganda ang kanyang intensyon na ibahagi ang personal na karanasan para magsilbing babala sa marami, ay tila marami pa rin ang hindi nakakaunawa at sadyang mapanghusga.
Paano kaya kinaya ni Liza ang lahat ng sakit na dinanas mula sa mapangmatang lipunan? Anu-ano pa kayang pagsubok ang kanyang hinarap nang lumantad na siya sa publiko?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Lito Pimentel, Rayver Cruz, Tanya Gomez, Buboy Garovillo, Angelo Ilagan, Nikka Valencia, Erin Ocampo, Hannah Ledesma at Sebastian Castro.
Ang episode na ito ay sa direksyon ni Nuel Naval at sa panulat ni Mary Rose Colindres. Ang MMK ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda dela Cerna at Star Creatives COO na si Malou Santos.
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.