MAS matinding panganib ang nagbabadya sa buhay ni Cardo (Coco Martin) dahil sabay-sabay nang aatake ang kanyang mga katunggali sa nangungunang serye sa bansa na FPJ’s Ang Probinsyano.
Wala nang kawala si Cardo at ang mga kasamahan niyang Pulang Araw dahil patuloy na isisisi sa kanila ni direktor Hipolito (John Arcilla) ang sunod-sunod na pagsabog ng mga bomba sa Maynila, na lalong sisira sa kanilang reputasyon.
Sabay din dito ang planong paghihiganti ni Don Emilio (Eddie Garcia) at pakikipagtulungan niya kay Sen. De Silva (Joko Diaz) upang matugis ang kanyang mortal na kaaway.
Sa kabila naman ng mga pagsubok, patuloy namang tutulungan si Cardo ng kanyang lolo Delfin (Jaime Fabregas) at ng asawang si Alyanna (Yassi Pressman) sa paghahanap ng katotohanan sa katawaliang nangyayari sa gobyerno.
Malantad na kaya ang katotohanang si direktor Hipolito ang may kagagawan ng lahat ng kasamaan? Patuloy kayang maging ligtas si Cardo mula sa kapahamakan?
Tutukan ang maaaksyong tagpo sa nangungunang serye sa bansa, ang FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Samantala, bilang gumaganap ngang builang bagong Panday si Coco, marami ang nagtatanong kung may plano rin ba siyang tumakbong pangulo ng Pilipinas sa 2022.
Pero mukhang wala pa talaga sa mga plano ni Coco ang pumasok sa politika. “Parang hindi tayo uubra po du’n. Masaya na po ako sa trabaho ko ngayon bilang artista at ngayon po, bilang direktor,” ang tugon ni Coco nang tanungin siya tungkol dito sa presscon ng “Ang Panday”.