HAPPY at thankful ang young Kapuso loveteam na BiGuel dahil sa kanilang back-to-back projects.
Nitong Lunes lang ay nag-pilot airing ang pinagbibidahan nilang teleserye sa GMA Telebabad na Kambal, Karibal, kasabay ng premiere night ng movie nilang “Barbi D’ Wonder Beki”.
In fairness, usap-usapan at trending agad sa social media ang kanilang bagong primetime series. Ayon kina Bianca Umali at Miguel Tanfelix, masaya sila na napapanood na ng kanilang fans ang Kambal, Karibal dahil hindi lang pakilig ang hatid nila sa mga manonood kundi talagang exciting din ang unique storyline ng programa.
Sa katunayan, kahit hindi pa ipinapakilala ang mga karakter nila bilang sina Crisanta at Diego ay marami na ang nakatutok na BiGuel fans sa serye, ayaw nilang ma-miss ang paglabas ng dalawang bagets sa pilot week nito.
Samantala, sa pagpapatuloy ng kuwento ng Kambal Karibal, nalaman na nina Teresa (Jean Garcia) at Noli (Gardo Versoza) na may Severe Combined Immunodeficiency or SCID si Criselda, dahilan ng pagkakasakit nito.
Bigo rin si Allan (Alfred Vargas) na mapatawad ni Geraldine (Carmina Villaroel) kaya babalik na lang siya sa dating trabaho bilang engineer sa barko. Eeksena naman si Raymond (Marvin Agustin) para suyuin ulit si Geraldine. Makuha kayang mahalin ulit ni Geraldine si Raymond? Paano tutustusan nina Noli at Teresa ang mga pangangailangan ni Criselda?
‘Yan at marami pang kaabang-abang na eksena ang dapat n’yong tutukan sa Kambal Karibal sa GMA Telebabad after Super Ma’am!
q q q
Sa kanyang unang documentary para sa I-Witness, aalamin ni Atom Araullo ngayong Sabado, ang kwento ng mga Rohingya na itinuturing ng United Nations na “most persecuted minority’” sa buong mundo.
Sa mga nakaraang taon, lumaganap ang pag-aaklas sa hilagang bahagi ng Myanmar. Nagpatuloy ang girian sa pagitan ng nakararaming Buddhist Burmese at ang maliit na grupong Muslim na Rohingya. Dahil dito pwersahang lumikas ang libu-libong Rohingya sa katabing bansang Bangladesh.
Ayon sa United Nations, ang ilang dekadang pang-aabuso at pagmamalabis ng mga militar sa Myanmar ay masasabing isang uri ng “ethnic cleansing”.
Sa ngayon, ang mga Rohingya ang pinakamalaking komunidad sa mundo na walang kinabibilangang bansa, ang hindi pagkilala sa kanila bilang mamamayan ng Myanmar ay maaaring maglagay sa kanila sa mapang-abusong sitwasyon dahil wala silang nakukuhang legal na proteksyon mula sa anumang pamahalaan.
Si Atom, na isa ring United Nations High Commissioner for Refugees advocate, ay tumungo sa Dhaka, ang kabisera ng Bangladesh.
Samahan si Atom sa kanyang paglalakbay na ito bilang bahagi pa rin ng 18th anniversary series ng I-Witness, ngayong Sabado after Celebrity Bluff sa GMA-7.