NAKIPILA ako sa unang araw ng showing ng ‘Unexpectedly Yours’ nina Sharon Cuneta at ang Robin Padilla at hindi kataka-taka na ito ay binigyan ng Rated A ng Cinema Evaluation Board (CEB) dahil sa ganda ng pagkakakagawa ng reunion movie ng Megastar at ng original Bad Boy ng Philippine Cinema.
Hindi binigo ng ShaBin (Sharon-Robin) loveteam ang mga manonood sa romcom(romatic-comedy) movie sa kanilang muling pagsasama, kasama pa ang loveteam nina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Kwento ito nina Patty (Sharon) at Cocoy (Robin) na nagkita matapos ang 35 taon matapos maging batchmates sa high school at nina Jason (Joshua), at Yanni (Julia) na, nagkakakilala naman dahil sa social media.
Kahit hindi ka tagahanga ng apat at gusto mo lang na malibang, tumawa, at ma-inspire, swak na swak sa iyo ang pelikula.
Lumitaw ng husto ang galing sa comedy ni Robin na sa sobrang galing sa pagdedeliver ng kanyang mga linya, iisipin ng mga nanonood na base talaga sa kanyang karanasan ang kanyang mga linya na bagamat laging hugot ay nagawa niya itong nakakatawa.
Naipakita rin ni Joshua ang kanyang galing sa comedy na natural na natural din ang pag-deliver ng kanyang mga linya.
Naging makatotohanan din ang pelikula kung saan ipinakita rito ang mga problemang kinakaharap ng isang pamilya at ang epekto ng digital world sa mga kompanya at maging sa mga millennials.
Tiyak kong marami ring makaka-adopt sa karakter ni Patty na ipinagpalit ng mister, bukod pa sa pagiging 50-anyos na nagme-menopause, at napilitang mag retire dahil sa mas pinapaboran ang mga millennials.
Tiyak na sasakit ang tiyan mo sa kakatawa dahil sa eksena sa pagitan nina Sharon, Robin at Joshua, samantalang papaiyakin ka naman nina Sharon, Robin at Julia.
Pampa-good vibes talaga ang pelikula at nagbibigay ng pag-asa sa mga nais ng happy ending sa kanilang love story.
Sa iskor na mula 1 hanggang 10 kung saan 10 ang pinakamataas, bibigyan ko ang ‘Unexpectedly Yours’ ng iskor na 9.