ANO naman kaya ang kakayahan ni Pia Wurtzbach bilang isa lang sa mga hurado sa katatapos na Miss Universe pageant na ipanalo ang ating manok sa labanan?
Kahit pa mahigit sa isandaang porsiyento ang ibigay niyang boto kay Rachel Peters ay hindi pa rin niya kakayaning ipanalo ang ating kinatawan, kaya sana’y tantanan na ang paninisi kay Pia, ilabas na sa usapin ang beauty queen.
Sa mga ganyang labanan ay palaging umiiral ang pagkampi sa sariling lahi. Kahit hindi sabihin ni Pia ay gustung-gusto siyempre niyang manalo si Rachel Peters, ito ang gusto niyang koronahang Miss Universe, kaya lang ay napakarami naman nilang dapat magdesisyon.
Nakakaawa naman si Pia, sumuporta na nga siya nang todo kay Rachel ay ganito pa ang inaabot niya, ang sisihin sa pagiging Top 10 lang ng ating kalahok na kung tutuusi’y magandang kartada na rin.
Sa siyamnapu’t dalawang babae ay napasama si Rachel Peters sa sampu, hindi pa ba naman maipagkakapuring karangalan ‘yun, hindi pa ba karapat-dapat palakpakan ang dalaga sa kanyang naabot?