1,962 bagong kaso ng HIV naitala mula Hulyo-Agosto 2017-DOH

SINABI ng Department of Health (DOH) na tinatayang 1,962 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV), kasama na ang 18 buntis na babae ang naitala mula Hulyo hanggang Agosto ngayong taon.

Nangangahulugan ito na 31 bagong kaso ang naiuulat kada araw sa mga naturang buwan, base sa HIV/AIDS Registry of the Philippines.

Karamihan sa mga kaso o 95 porsiyento ay mga lalaki kung saan mahigit kalahati ay nasa edad na 25-34 anyos, samantalang 31 porsiyento naman ang mga kabataan na may edad mula 15-24 anyos.

Idinagdag ng DOH, sa kabuuang bagong kaso na 1,962,  250 rito ay naging full-blown AIDS.

Samantala, umabot naman sa 118 ang mga namatay dahil sa HIV/AIDS mula Hulyo hanggang Agosto.

Nanguna naman ang National Capital Region sa mga kaso ng HIV, matapos mapagtala ng 732 kaso, sumunod ang Calabarzon, 344 kaso; Central Luzon, 179; Central Visayas, 144 kaso; Western Visayas, 121; at Davao region, 116 kaso.

Ang pakikipagtalik ang nangnguna pa ring sanhi ng pagkakahawa na may 1,892 kaso, 88 porsiyento rito ay mula sa male-having-sex-with-male (MSM) population.

Nakapagtala naman ng 35 kaso dahil sa pag-iinject ng droga, samantalang pito kaso ay mula sa mother-to-child transmission.

Umabot naman sa 154 overseas Filipino workers (OFWs) ang nadiskubreng tinamaan ng HIV/AIDS, na karamihan ay dahil sa sexual contact.

Sa kabuuan umabot na sa 7,363 kaso ng HIV ang naitala mula Enero hanggang Agosto 2017, kabilang na ang 891 kaso ng AIDS at  334 mga nasawi.

Read more...