HALOS buong buhay ni Antonio ay ginugol niya sa pagtatrabaho sa ibayong dagat.
Nagsipagtapos na sa kolehiyo at nagsipag-asawa na nga ang kanilang mga anak ni Lora ngunit tila yata wala talaga itong kabalak-balak na umuwi ng bansa.
In fairness din naman kay Lora na isang empleyado sa pribadong kumpanya, walang humpay ang pakiusap nito kay mister na tama na ang pag-aabroad nito, okay na naman sila at bumalik na siya for good sa Pilipinas.
Wala na sanang pumipigil pa kay Antonio upang hindi nito pagbigyan ang pakiusap ng asawa.
Napakatagal na nga namang magkahiwalay sila at sa kanilang pagtanda, nais na lamang sana ni Lora na gugulin ang natitira pang mga taon ng kanilang buhay na magkasama.
Pati mga anak nila nakikiusap na rin sa ama na bumalik na at mamahinga na rin muna. Alam nilang labis itong nagsakripisyo para sa kanila sa loob ng maraming taon.
Hindi na naman nila inaasahan pa ang kinikita ng kanilang tatay ngayon dahil may kanya-kanya na rin silang hanapbuhay at may kanya-kanya na ring mga pamilya.
Naaawa rin sila sa kanilang nanay na hindi naranasan na makasama ang kanilang tatay nang matagal na panahon. Hindi rin alam ni Lora ang pakiramdam na may kasamang asawa sa araw-araw.
Hindi nila maintindihan si Antonio kung bakit patuloy itong tumatanggi sa pakiusap ng pamilya.
Hanggang sa nakausap nito ang isang malapit na kaibigan. Nasabi niya ang kanyang mga alalahanin sa sandaling huminto na siya sa pag-aabroad.
Hindi na umano ito sanay na walang pera o mawalan ng pera. Sa tagal nga naman niya bilang OFW, sanay siyang palaging may pera.
Wala rin kabuhayan siyang inaasahan sa Pilipinas. Wala rin silang naipundar na anumang negosyo o pagkakakitaan na siya sanang aalalay sa kanilang pagtanda. Ni wala silang retirement plan ni misis.
Hindi rin daw niya maaatim na manghingi o bigyan na lamang ng kanilang mga anak na tila namamalimos sa kanila at ultimo pangkain at ihihingi pa niya.
Para sa isang ama ng tahanan na siyang naging sandalan ng pamilya sa buong buhay niya, hindi raw matatanggap ni Antonio na maging pabigat at alalahanin pa sa kaniyang asawa at mga anak.
Hindi niya masabi ang mga dahilang ito sa pamilya. Gustuhin man niya, baka mas lalong mapadali ang buhay niya kapag umuwi siya ng Pilipinas at mai-stress lamang dahil sa wala silang kabuhayan. Handa na raw siyang ubusin ang natitira pang lakas sa pagtatrabaho sa abroad kaysa naman siya pa ang maging alalahanin ng pamilyang pinaglaanan niya ng lahat-lahat.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com