Traffic enforcers di na ginagalang

HINDI kaya bumababa ang tingin ng mga traffic enforcer ng San Mateo, Rizal sa kanilang sarili?

Nilalagpas-lagpasan lang sila ng mga nakamotorsiklo na walang helmet kahit na malinaw sa mga ikinalat at ginastusan na tarpaulin ng munisipyo na bawal ito.

Kapag nagtatrapik, lalo na sa intersection sa Gen. Luna st., sa Brgy. Guitnang Bayan sa may Pamantasan ng San Mateo, ay hindi rin sila iginagalang ng mga nakamotorsiklo at ng mga tricycle. Lusutan nang lusutan kahit na ang kabilang lane ang kanilang pina-go.

At ang mga UV Express at pampublikong jeepney, tumatambay sa tapat ng tarpaulin na ipinagawa ni Mayora na nagsasabi na no loading and unloading.

Kanino ba konektado ang mga ito at hindi sila magalaw ng mga traffic enforcer?

Kung huhulihin lang ang mga lumalabag sa batas trapiko ay baka makaipon ang munisipyo ng pambonus ng mga traffic enforcer sa dami ng lumalabag.

 

***

Hindi naman lihim sa publiko na hindi close si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanyang mga kapwa mahistrado sa pinakamataas na korte ng bansa.

Sa mga desisyon lang ng SC en banc, madalas ay nasa talunang panig si Sereno.

Nang italaga si Sereno na CJ ng noon ay Pangulong Benigno Simeon Aquino III marami ang tumaas ang kilay. Siya kasi ang pinakabagong associate justice ng SC tapos ginawang CJ. Sa madaling salita, maraming nasagasaan ang pagtatalaga sa kanya.

Isa ito sa sinasabing dahilan kung bakit wala masyadong nakikisimpatya kay Sereno ngayong siya ay ipinapa-impeach sa Kamara de Representantes.

Ang tanong ay magsasalita ba laban kay Sereno ang mga mahistrado ng SC na ipatatawag ng Kamara kung bibigyan ng SC en banc ng permiso ang mga ito. Siyempre iba ‘yung nagsasalita sa pribadong pag-uusap sa isang public hearing.

 

***

Pinagbibitangan si Pangulong Duterte na nasa likod ng tangka na alisin si Sereno. Dilawan daw (appointee ni PNoy).

Para bang noong panahon ni PNoy na siyang nasa likod ng pag-alis sa namayapang si SC CJ Renato Corona.

Pero tanong ng isang miron, bakit pa gugustuhin ni Duterte na alisin si Sereno e palagi naman siyang panalo sa mga desisyon ng SC? Baka nga daw nakakatulong pa na nariyan si Sereno. Kung ano ang posisyon ni Sereno doon sila sa kabila o sa kalaban.

Sa madaling salita, ayaw kay Sereno kaya kakampi sa kabila.

At isa pang punto, sa 15 mahistrado ng SC ay 12 ang maia-appoint ni Duterte hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.

Baka tumaas pa ito kung malapit nang magretiro ang ilan sa kanyang itatalaga at mauuna pang bumaba sa kanya.

Bakit pa kailangang trabahuhin ni Duterte si Sereno? E kanya na ang SC bago pa siya bumaba.

Read more...