“GUSTO ko sa bawa’t show ko, walang bida, walang supporting isang pamilya tayo.” Ito ang ipinagdiinan ni Sylvia Sanchez nang makapanayam namin sa presscon ng bago niyang serye sa ABS-CBN, ang Hanggang Saan.
Nagsimula na ito kahapon sa Kapamilya Gold kung saan makakasama rin niya ang anak na si Arjo Atayde.
“Kailangan kapag umangat ang isa, aangat ang lahat. Ito parati ang sinasabi ko sa lahat ng co-actors ko,” dagdag pa ni Ibyang.
Iisa kasi ang papuri ng mga nakakatrabaho ni Sylvia, lahat ay itinuturing niyang kapamilya kasama na ang staff and crew.
“Ayokong solohin itong Hanggang Saan, gusto ko umangat lahat ang co-actors namin ni Arjo kasi hindi ko ito magagawa kung wala sila at gusto ko ring ibalik ang papuri na iyon sa GMO (Ginny Monteagudo-Ocampo) unit kasi sila ganu’n din, lahat bida.
“Siguro kasi ganu’n klase akong tao, ganu’n ako pinalaki ng nanay ko. Ugali ko na ‘yun na para akong mother hen na kapag kaibigan ko, po protektahan ko lahat, pero gusto kong maging honest.
“Hindi ko kasi ito naranasan noong bago ako. Iba ang naranasan ko noong supporting lang ako. Marami akong naranasang masasakit sa co-actors ko.
“Kaya pangako ko sa sarili ko, kung halimbawang maging bida ako isang araw, sisiguraduhin kong lahat magiging close ko, lahat pagkakaisahin ko, kahit sa acting ensemble kami, hindi ako magpapakabida kasi ayaw ko ‘yung ginawa sa akin noon at naranasan ko, e, maranasan din ng mga katrabaho ko.
“Saka hindi ako nagiging masaya na angat ako tapos ‘yung iba hindi, ayaw ko no’n, gusto ko sabay-sabay tayong umangat lahat, ‘yun ang nakuha ko sa nanay ko,” paliwanag ng premyadong aktres.
“Kaya bilang si Sonya dito sa Hanggang Saan, ako ang bida, yes masarap pakinggan, pero ayaw ko, kasi hindi ko kayang mag-isa kung wala ang co-actors ko,” dagdag paliwanag pa ni Ibyang kung bakit malapit siya sa lahat ng tao sa set.
q q q
Natanong din si Ibyang tungkol kay Yves Flores na bago niyang anak sa serye bukod sa tunay niyang anak na si Arjo at paano niya ihahambing ang binata si Joshua Garcia na naging anak naman niya sa The Greatest Love.
“Si Yves ngayon ko lang siya makakatrabaho at promise ko sa sarili ko kung ano ‘yung pagmamahal na ibinigay ko kay Joshua sa TGL ay gagawin ko rin kay Yves like first day, sinabihan ko siya, ‘Yves anak kita rito kaya kailangan mong maging close sa akin, kailangan natin maging open. Kaya sa set, itinuturing ko siyang anak.
“At si Joshua, nakikita ko kay Yves na later on, aangat siya rito parang si Joshua, maniwala kayo, magaling si Yves.
“At gagawin ko rin kay Sue (Ramirez), of course si Teresa (Loyzaga) magkaibigan kami at si Ariel (Rivera). Gusto ko umangat sila hindi lang ako o bilang si Sonya dahil hindi ako magiging maligaya no’n,” sagot ng aktres.
Samantala, mapapanood ang Hanggang Saan sa kaparehong timeslot ng dating serye ni Sylvia na The Greatest Love (after Pusong Ligaw). Kaya biniro namin ang aktres na mukhang para sa kanya talaga ang timeslot.
“Baka suwerte ko kasi ang oras na iyon. Wala namang artistang may-ari ng timeslot. Iyon ang desisyon ng management na ibalik ako sa ganu’n oras. Pang after lunch ako. Ha-hahaha! Hindi pang-primetime.
“Saka wala namang nakakaalam na magki-click noong ilagay sa ganu’n oras ang The Greatest Love. Suntok sa buwan nga iyon,” paliwanag pa ni Ibyang.
Ang Hanggang Saan ay mula sa direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.
Kasama rin dito sina Maris Racal, Marlo Mortel, Sharmaine Suarez, Nikko Natividad, Mercedes Cabral, Junjun Quintana, Anna Luna, Rubi-Rubi, Jenny Miller, Rommel Padilla, Arnold Reyes, Viveika Ravanes, Ces Quesada, Nanding Josef at Maila Gumila.
May special participation din sa serye sina Luke Alford (batang Paco) at Eric Quizon bilang tatay ni Sue.