May pait ang buwis sa inuming matamis

IMBES na pancit at hamon, sakit ng ulo at kalbaryo ang pagsasaluhan ng milyon-milyong Pilipino sa Pasko at Bagong Taon kapag naisabatas ang Beverage Tax o dagdag-buwis sa mga inuming may asukal o sugar-sweetened beverages (SSBs).
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng mula P10 hanggang P20 buwis ang kada litro ng mga softdrinks, powdered juice at iba pang pinatamis na inumin, depende sa pinagkunan ng asukal.
Ang Beverage Tax ay bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na programa ng pamahalaan upang makakolekta ng pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Pero imbes na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino, maraming kababayan, kabilang ang daan-daang libong may-ari ng sari-sari store at kanilang pamilya ang mapeperhuwisyo.
Apatnapung porsyento ng arawang kita ng mga tindahan ay mula sa benta ng instant coffee at iba pang SSBs kaya hindi lang maliliit na negosyante ang maaapektuhan kundi ang mga ordinaryong mamamayan sakaling dumoble o magtriple ang presyo ng mga ito.
Ang magandang balita: ngayon ay hinihimay pa sa Senado ang panukalang batas. Ang masamang balita: inaasahang maipapasa ito sa susinod na buwan. At sakaling maging batas, agad itong ipatutupad sa unang bahagi ng 2018.
Hindi pa siguro huli lahat upang maiwasan ang pasakit na hatid ng Beverage Tax.
Kailangan lamang sigurong kalampagin ang mga mambababatas at kumbinsihin na pag-aralan muna ito nang makailang beses.
Mas maigi nga ay humanap ang pamahalaan ng ibang paraan upang mapataas ang koleksyon sa buwis. Nariyan ang pagsugpo sa malawakang smuggling sa Bureau of Customs, kung saan umaabot umano sa P900 bilyon ang nawala sa kaban ng bayan sa loob ng limang taon dahil sa korupsyon. Kung nasawata lamang iyan ay sobra pa itong pampondo sa mga programa ni Pangulong Duterte at hindi na kakailanganin pang bigyan ng dagdag-pasanin ang 1.7 milyong “near poor” na may-ari ng mga sari-sari store at kanilang mga kostumer.

Read more...