Gilas Pilipinas sasagupa sa Chinese-Taipei

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. Philippines vs Chinese-Taipei

IKALAWANG sunod na panalo ang hangad ngayong gabi ng Gilas Pilipinas sa pagsagupa sa Chinese-Taipei sa pag-host nito sa unang home game sa FIBA World Cup 2019 Asian Qualifiers sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Nabigo ang Chinese-Taipei sa una nitong laro kontra Australia, 66-104, noong Biyernes ng gabi kung kaya inaasahan na pilit itong babawi para dismayahin ang home team na Gilas Pilipinas na agad nakapagtala ng panalo sa pagdayo nito at pagdismaya sa Japan sa home-away format ng qualifying tournament para sa 2019 FIBA World Cup sa China.

Inaasahan naman na poproteksiyunan ng Pilipinas ang homecourt nito ngayong gabi sa pagbitbit sa importanteng laban sa Smart Araneta Coliseum kung saan umaasa itong mapupuno ng mga tagasuporta ang laban na magsisilbing daan ng koponan tungo sa pagtuntong sa 2019 FIBA World Cup kung saan nakataya ang silya sa 2020 Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan.

Ginulat ng Pilipinas ang una nitong nakatapat na Japan, 77-71, sa larong ginanap sa Komazawa Gymnasium sa Tokyo para maigting na simulan ang kampanya sa unang qualifying round para sa Asya.

Pinamunuan ni Jayson Castro, na dalawang beses kinilala bilang FIBA Asia Best Guard, ang pambansang koponan sa itinalang 20 puntos at binitbit din ang koponan sa krusyal na yugto ng laro kung saan naghabol ang kalaban para makisalo sa liderato sa Group B competition sa qualifiers para sa 16 bansa na nasa rehiyon ng Asia/Oceania.

Tumulong din sina Andray Blatche, Matthew Wright at Gabe Norwood sa pagbigo sa mga Japanese cager at ilang libo na home crowd upang ihanda ang kanilang sarili ngayong gabi kontra Chinese-Taipei sa hangaring mawalis ang first round ng qualifiers.

Matatandaan na tinapatan lahat ni Castro ang isinagawang paghahabol ng katapat na si Japanese guard Yuki Togashi kabilang ang isang 3-point shot sa harap mismo ng karibal upang ilayo ang Gilas sa 75-69.

Ang TNT KaTropa ace player ay nagtala ng 20 puntos, pitong rebound, anim na assist at isang steal habang si Blatche ay nag-ambag din ng all-around stats na 13 puntos, 12 rebound, limang assist at tatlong steal.

Read more...