Tabloid columnist binantaang itutumba

NANGANGAMBA para sa kanyang buhay ang isang tabloid columnist na kritiko ng ahensiya ng gobyerno na tumututok sa mga kaso ng mga mamamahayag na napapatay.

Dahil dito, nagpatala sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) si Mat Vicencio, kolumnista ng pahayagang Hataw, at dating editor in chief ng People’s Taliba ng Journal Group of Companies, nitong Huwebes.

Sa kanyang ipinatalang insidente ng death threat, sinabi ni Vicencio na natanggap niya ang pagbabanta matapos maisulat sa kanyang kolum na Sipat ang serye ng mga banat laban sa tanggapan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinamumunuan ni Undersecretary Joel Egco.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Vicencio na meron dalawang reporters ang diumano’y tinanong ni Egco sa kung saan siya naglalagi.

“Matapos lumabas ang mga kolum ko sa Hataw, dalawang reporter ng tabloid ang nagbabala sa akin na hinahanap daw ako ni Usec Egco, at inaalam kung saan ako naglalagi,” ani Vicencio sa pulisya.

Hindi umano niya ito pinansin.  Gayunman, nitong nakaraang Miyerkules, nakatanggap si Vicencio ng text message na direktang nagbabanta sa kanyang buhay.

Ang text na may nilalamang: “Hindi ka aabot ng Pasko. Itutumba ka namin gago ka itigil mo banat sa akin,” ay galing sa numerong 093965440763.

Hindi man direktang inaakusahan, sinabi ni Vicencio na hinihinala niyang si Egco o ang mga kasamahan nito ang may pakana ng pagbabanta.

Sa serye ng kolum ni Vicencio, tinalakay nito ang mga pagpatay sa mga mamamahayag na napapatay sa ilalim ng administrasyong Duterte na hindi pa rin nasosolusyunan.  Hirit din nito sa kanyang kolum na hindi na dapat magtagal sa puwesto ni Egco at dapat siyang palitan ni Pangulong Duterte.

Read more...