Imbestigasyon ipinag-utos vs Aquino, 2 pa kaugnay ng DAP

INATASAN ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan si dating pangulong Benigno Aquino III at dalawang iba pang dating opisyal kaugnay ng umano’y kuwestiyonableng paggamit ng Disbursement Acceleration Program (DAP) noong kanyang termino.

“The NBI, through Director Dante A. Gierran, is hereby directed and granted authority to investigate the complaint filed by Coalition for Investigation and Prosecution represented by Greco Belgica, et al. against former President Benigno Aquino III et al. for malversation,”sabi ni Aguirre sa ipinalabas na Department Order 749 kahapon.

Inatasan ni Aguirre si Gierran na bumuo ng isang special task force  para imbestigahan ang alegasyon ni Belgica at isumite ang ulat kay Justice Undersecretary Antonio T. Kho Jr.

Noong Setyembre, nagsumite ang grupo ni Belgica sa Department of Justice (DOJ) ng mga ebidensiya hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng DAP, na nauna nang idineklaranng unconstitutional ng Korte Suprema.

Bukod kay Aquino, kasama rin sa simpahan ng kaso ni Belgica sina dating Budget secretary Florencio Abad at dating DBM undersecretary Mario Relampagos.

Ayon sa mga dokumento,  napunta ang P6.5 bilyon mula sa P144 bilyon pondo ng DAP ng nakaraang administrasyon sa iba’t ibang lokal na proyekto na hindi nakadetalye sa budget. Inquirer.net

Read more...