MASUSING pinag-aaralan ng isang opisyal ng pamahalaan ang kanyang magiging galaw kaugnay sa susunod na eleksyon sa 2019.
Matatapos na kasi ang kanyang ikatlong termino bilang kinatawan sa Kamara ng isang distrito sa Central Luzon.
Isa sa kanyang opsyon ay tumakbo bilang gobernador o di kaya naman ay mayor sa isang lungsod dito sa Metro Manila dahil mayroon din siyang bahay dito.
Sinabi ng ating Cricket na sa ngayon ay mukhang mas gustong tumakbo bilang city mayor ng bida sa ating kwento.
Bukod sa mas madali ang kampanya kumpara sa probinsya ay mas swak daw ang posisyon na ito dahil mas maliit ang hahawakan niyang lugar.
Pero hindi biro ang bigat ng pondo na hahawakan ni Madam sakaling siya’y manalo bilang alkalde dahil primera klaseng lunsod ang tinatarget niya sa halalan.
Mas gusto rin daw ni madam na tumakbong mayor dahil inaasinta daw ng kapatid ng isang dating top official ang pwesto na ito sa city hall.
Sinabi ng ating Cricket na gustong patunayan ni Madam na kayang-kaya niyang ilampaso sa eleksyon ang malditang kapatid ng isa sa mga matinding kalaban niya sa politika.
Pero dahil hindi pa sila kapwa magdedeklara, ang malinaw pa lamang na makakaharap ni Madam sakaling ituloy nya ang mayoralty dream ay ang anak na babae rin ng kanyang dating kaalyado at kapartido.
Hindi biro ang magiging laban na ito dahil nasa pwesto rin sa city hall ang anak ng dating kaalyado ni Madam.
May pera at tiyak na susuportahan ito ng kanyang tatay matiyak lang na muling makakabalik sa city hall ang kanilang angkan.
Ang elected official na nagbabalak tumakbo bilang mayor sa isang malaking lungsod sa Metro Manila ay si Madam G….as in Glow in the dark.