Padalang dolyar ‘wag ipalit agad-agad

NAKAKATUWA ang ilang pamilyang OFW. Lahat ng miyembro nito, mula sa nanay (kung tatay ang nasa abroad) o di kaya ang tatay (kung nanay naman ang OFW) hanggang sa mga anak nila, ultimo yata mga kapitbahay, nag-aabang na rin araw-araw ng palitan ng piso sa dolyar.

Para sa tumatanggap ng regular na remittance, talagang super -tutok sila rito. Malaking bagay rin naman kasi ang ilang sentimong diperensiya!

Kaya naman para sa mga first timer o nagsisimula pa lamang tumanggap ng padala mula sa abroad, naghahanap na sila ng mapagkakatiwalaang money changer at nang doon at doon din sila magpapapalit.

Mahirap din kasi kung saan-saan nga naman nagpapapalit. May mga mandaraya talagang money changer. Mayroong lilituhin kayo na kunwari bibilangin nang mabilis sa harapan ninyo at uulitin mo naman, mukhang tama ang bilang, pero kapag nakaalis na kayo, saka lamang ninyo madidiskubreng kulang pala ang ibinigay sa inyong pera.

Maraming ganyan! Ang iba hindi na lamang nagrereklamo dahil ang akala nila sila ang nagkamali nang pagbilang. Pero ang totoo, pinagpapraktisan talaga nila ‘yan para makapandaya lamang.

May ilan naman tayong mga kababayan, dahil sa kakaabang ng mataas na palitan, palit agad ng kanilang dolyar. Gayong aminin nating nakararami sa kanila ang kailangang-kailangan din. Pero sa mga hindi pa naman nangangailangan, makabubuti kung hindi muna ipapapalit.

Kapag ang dolyar napalitan na ng piso, ang dali nang gastusin. Kahit walang planong pagkagastusan, kahit hindi kasama sa budget, matutukso gamitin ang pera dahil may hawak-hawak na siyang piso.

Kung dolyar pa iyon, e, di sana nagastos karakaraka.

Pero ang malungkot diyan, kapag nabaryahan na ang salaping papel hindi na iyon mabubuo pa.
Halimbawa, kung mababawasan kahit 25 sentimos ang P1,000, hindi na mabubuo pa iyon, at doon na ang pasimula nang sunod-sunod na gastos hanggang ang P1,000 ay naglahong parang bula.

Magtataka pa siya kung bakit wala na siyang pera!

Sabi ng isang psychologist, mabilis at masarap talagang gastusin umano ang salaping hindi pinaghirapan. Kaya ito rin halos ang iniiyak ng mga OFW sa kanilang mga kapamilya.

Tulad ng kuwento ng isang seafarer. Kapag dumarating na ang allotment nito sa asawa, automatic ay nasa mall na ang kaniyang pamilya. Magsa-shopping, kakain sa labas, maglalaro o di kaya’y manonood ng sine. Kapag nagpapaalala siyang hinay-hinay naman sa paggastos, galit pa si misis! At iyon daw ang lagi nilang pinag-aawayan.

Hindi naman niya matiis ang mga anak. Dahil pakiramdam ng seafarer, parang kasama na rin siya ng mga bata sa mga panahon na nagliliwaliw ang pamilya.

Pero sana nga sa mga pamilya na nakatatanggap ng remittance, huwag agad ipapalit ang dolyar kung wala namang agarang pagkakagastusan. Hinay-hinay na rin sa paggastos.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...