Kim, Yeng hahataw sa Phil-Chi Star Concert sa MOA Arena
ISA na namang malaking milestone ang haharapin ng Pop-rock Princess na si Yeng Constantino at Chinita Princess Kim Chiu sa kanilang career.
Nakatakdang mag-perform ang dalawa kasama ang ilan sa mga kilalang Chinese singers sa kauna-unahang Phil-Chi Star Concert na pinamagatang “Nice To Meet You” sa Jan. 17, 2018, 8 p.m. sa Mall of Asia Arena.
Makakasama nila in one stage ang mga sikat na Chinese performers na sina G.E.M., Della Wu, Chief (Chao Chuan) and Da Zhuang sa isang bonggang concert na pinrodyus ng Philippine Dragon Media Network (PDMN).
Inaasahan ngang magdadala ng libu-libong Chinoy na manonood sa show na ito na naglalayong magdala ng pinaka-exciting na music event sa simula ng bagong taon para higit pang ipakilala ang parehong local at Chinese music.
Nakipagsanib-pwersa ang kumpanya sa Star Music at Cornerstone Entertainment upang magdala ng local artists na aawit kasama ng mga bisitang Chinese celebrities.
Mayroong Mandarin version ang sumikat na awitin ni Yeng na “Ikaw,” habang si Kim, na kamakailan lamang ay naglunsad ng kanyang ikatlong album na “Touch Of Your Love” mula sa Star Music, ay nakapag-record na rin ng ilang Chinese songs noong mga nakaraang taon, tulad ng “Peng Yu” at “Yue Liang Dai Biao Wo de Xin.”
Bukod sa dalawang Kapamilya singers, kaabang-abang din ang gagawing performance ng tanyag na Loboc Children’s Choir mula sa Loboc, Bohol sa nasabing concert.
Mabibili ang tickets sa lahat ng SM Tickets counter, Lucky Chinatown Mall Ground Floor Concierge, at sa smtickets.com. Abangan ang ticket launch date sa Sabado (Nob. 25) at magkakaroon din ng preselling activity ngayong Martes (Nob. 21), na may handog na 10 percent discount.
Makibahagi sa pinaka-inaabangang “Nice To Meet You” concert sa bansa. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Starmusic.ph o sundan ito sa Facebook.com/starrecordsphil, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.