Nakatanggap din ang militar ng impormasyon na may mga nalagas sa hanay ng BIFF, pero di pa makumpirma ang impormasyon dahil walang natagpuang patay o buhay na kasapi ng armadong grupo.
Natagpuan ang tatlong abandonadong encampment sa kagubatang nasa pagitan ng Brgys. Bentangan at Tonganon, sabi ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.
Ito’y matapos ang isang-linggong operasyon doon, kung saan nagsagawa ang militar ng air strike at nagpaputok ng kanyon laban sa mga “ISIS-inspired” na kasapi ng BIFF, aniya.
Umalis ang mga tropa ng pamahalaan sa lugar Martes, matapos magsagawa ng clearing operations, ani Tayong.
Nadiskubre ang dalawa sa mga encampment Linggo ng umaga sa Brgy. Tonganon, sabi naman ni Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Army 6th Infantry Division.
Kayang magtago ng 30 katao ng unang kuta, na may tatlong malalaking tolda at 10 improvised tents, aniya.
Pinaniniwalaang inabandona ang kampo limang araw bago natagpuan. Nakatagpo ang mga kawal doon ng sirang electric tester, personal na kagamitan, at mga damit pambabae, ani Encinas.
Nang araw ding iyon, natagpuan naman ang isang ms malaking kuta, na kayang magtago ng 100 katao, sa parehong barangay.
Mayroon doong 12 kubo, at nakatagpo ang mga kawal doon ng sirang cellphone na walang baterya, mga damit pambabae, mga gamot, gamit pangluto, at resibo para sa P1000 halaga ng groceries.
Isinagawa ang huling pagpapaputok ng artillery o kanyon sa Carmen nitong Linggo, at di pa nakakasagupa ng ground troops ang BIFF, ani Encinas.
“May mga reports (ng casualties sa BIFF) from the civilians, but there is no confirmation,” aniya.
“Tuloy tuloy pa rin po ‘yung operation ntin dito sa areas ng Maguindanao at North Cotabato,” sabi pa Encinas.
Pinalakas ngayon ng mga tropa ng pamahalaan ang monitoring operations para matunton ang mga kasapi ng BIFF, ani Tayong
MOST READ
LATEST STORIES