Sirena movie nina Elmo at Janella Etsapwera sa MMFF 2017; ‘Larawan’ ni Paulo naka-jackpot

ELMO MAGALONA AT JANELLA SALVADOR

UNUSUALLY quiet ang kampo ni Liza Diño-Esguerra, Film Development Council of the Philippines Chairman and CEO, sa napiling Final 4 entries sa 2017 Metro Manila Film Festival. Sa nakaraang taong festival, frontrunner si Diño at very vocal sa pagdepensa sa mga napiling kalahok.

Wala kaming nakitang reaksyon sa Facebook ni Liza tungkol sa announcement ng Selection Committee sa natitirang apat na slots. Napunta ito sa mga pelikulang “Ang Larawan”, “Dedma Walking”, “Haunted Forest” at “Siargao.”

Sa last entries, huling tinawag ang “Ang Larawan” produced by Culturtain Musical Productions. Maraming natuwa sa pagkakasali nito dahil nga naisnab na ito sa unang submission nila ng script.

Ayon kay Girlie Rodis na, isa sa producers, natugunan din ang dasal at hirap sa paggawa ng musical-historical film matapos ang apat na taon. Isinalang na ito sa nakaraang International Tokyo Film Festival at umani naman ng papuri. Bida rito sina Paulo Avelino, Rachel Alejandro at Joanna Ampil mula sa direksyon ni Loy Arcenas.

Ngayon lang din nakapasok ang T Rex Productions sa MMFF. Ilang beses silang sumubok pero bigo. Nakapasok ang ginawa nitong “Patay na Si Hesus” sa nakaraang Pista ng Pelikulang Pilipino at isa ito sa kumitang indie film. This time, ang MMFF naman ang mako-conquer niya sa entry nitong “Dedma Walking” nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.

Pasok din ang Paul Soriano movie na “Siargao” nina Jericho Rosales, Erich Gonzales at Jasmine Curtis-Smith. Ito ang pelikulang ipinalit ni Echo dapat sana’y pagbibidahan din niyang “All Of You” ng Quantum Films na isa rin sa naunang napili na official entry this year.

Nag-iisang horror film naman ang “Haunted Forest” ng Regal Entertainment. Comeback film ito ni Raymart Santiago with Jane Oineza, Maris Racal, Jameson Blake at Jon Lucas. Vindicated sa pagkakapili ng movie ang director nitong si Ian Lorenos na siyang nagdirek ng “Mano Po 7” na hindi pinalad last year sa festival.

Bigo nga lang ang fans nina Elmo Magalona at Janella Salvador na mapili ang movie nilang “My Fairy Tail Love Story”. Nalungkot ang ElNella supporters dahil marami sa kanila ang umasa na mapapanood na nila sa big screen ang dalawa at sa MMFF pa.

Ginanap ang announcement last Friday sa Club Filipino kung saan present ang MMFF Executive Committe headed by Chairman Tim Orbos.

Ang iba pang official entries ay ang “All Of You” nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado mula sa Quantum Films, “Meant To Beh” nina Vic Sotto at Dawn Zulueta at ang magkahiwalay na movie nina Vice Ganda at Coco Martin.

Mapapanood simula sa Dec. 25 hanggang Jan. 7 ang lahat ng official entries at ang Parada ng mga Bituin ay sa Dec. 23 gaganapin sa City of Muntinlupa bilang bahagi ng kanilang centennial anniversary.

 

Read more...