GASGAS nang katawagan ang stage mother na ikinakambal sa mga nanay ng mga artistang pakialamera. Pagmamalasakit ang kanilang katwiran, na hindi naman naiintindihan ng mga nakapaligid, kaya nagkakaroon ng problema ang mga nanay at mga produksiyon.
Nagkalat ang stage mothers, kahit saang network ay nang-aagaw sila ng atensiyon, kaya kadalasan ay nagkakaroon ng cause of delay sa trabaho ng kanilang mga anak.
Pero bibihira lang tayong makarinig ng kuwento tungkol sa mga stage father. May mga personalidad na sa halip na nanay nila ang sumasama sa kanilang trabaho ay tatay nila ang nag-aasikaso sa kanila sa tulong ng isang PA.
Kuwento ng aming source, “Tahimik lang ang tatay ng mga artista, pero siyempre, meron din silang kuda tungkol sa mga ipinagagawa sa kanilang mga anak sa shooting or taping.
“Nag-eeport din silang pakinggan ng production. Kapag may ayaw silang ipagawa sa anak nila, kinakausap nila ang staff na baka naman puwedeng baguhin ang atake sa eksena.
“Ganu’n ang nangyayari ngayon sa isang young actress na palaging tatay niya ang kasama sa line of work niya. Pinakiusapan ng production staff ang tatay na puwede naman siyang sumasama sa anak niya, pero hindi siya puwedeng lumapit sa mismong scene na kinukunan.
“Kasi nga, maraming beses nang nagkakaroon ng delay dahil sa pakikialam nu’ng tatay ng girl. Hindi naman nalalagay sa alanganin ang buhay at career ng anak niya, pero meron siyang suggestion na hindi puwedeng gawin.
“Nasa-sacrifice kasi ang kuwento kung ang gusto ni father ang masusunod. So, parang nagkakaroon na ng friction between him at sa production,” pagdedetalye ng aming impormante.
Maraming bawal, maraming hindi puwedeng gawin ang young actress, ‘yun ang nagiging problema sa tatay niya. Maayos naman ang kanilang pag-uusap ng mga staff, tiwalaan lang ang kailangan, para walang maging delay sa trabaho ng proyekto ng anak nito.
“Okey lang na nasa location ang tatay ng young actress, pero hanggang du’n lang, hindi na siya puwedeng lumapit sa mismong ginagawang eksena dahil baka may kontrahin na naman siya.
“Sayang ang anak niya, magaling pa namang artista, puwede siyang makipaglaban nang sabayan sa mga co-stars niya na kaidaran niya. Blue ang favorite color ng tatay ng girl,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong getlak n’yo na kung sino ang mag-amang ito, pramis!