MUKHANG naramdaman na ni Mamang Tsuper ang pagtaas ng presyo ng diesel.
Nabawasan na kasi ang natitirang barya sa bulsa na iuuwi sa kanyang pamilya.
Nang bumaba si Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong Hunyo 2016, ang presyo ng diesel sa kanyang pinapakargahan ay wala pang P27 kada litro.
Ngayon ang presyo ng diesel ay nasa P34 kada litro na. Naglalaro na sa P7 ang itinaas.
Ang masakit pa, nauubos ang malaking bahagi ng kanyang ikinargang diesel sa trapik. Imbes na makarami ng ikot at mas maraming pasahero ang maisakay ay nauubos ang oras sa trapik.
Ang kalahating oras na biyahe kapag walang trapik ay nagiging dalawang oras.
***
Ang trapik na binubuo ng mga motorista at commuter ay mukhang magtatagal pa ng ilang taon at ang palagay ng ilan ay masuwerte na kung matatapos ang mga proyekto sa pagbaba ni Pangulong Duterte sa 2022.
Ang planong subway sa Edsa ay plano pa rin naman. Wala pang hukayang magaganap.
At hindi lang sa administrasyon na ito naisip ang pagkakaroon ng subway sa Edsa. Matagal na itong sinasabi pero walang nangyayari.
Ang Mega Manila subway project ay nasa ilalim ng The Roadmap for Transport Infrastructure Development for Metro Manila ng administrasyong Aquino.
Umaasa ako na magkakatotoo na ito sa ilalim ng Duterte government na may tangan ng pangakong “golden age of infrastructure” at Build Build Build.
At siyempre, kapag nagsimula na ang mga proyektong ito ay mas lalong magiging kalbaryo ang biyahe sa Edsa.
Kung kulang na ang lane sa Edsa dahil sa dami ng sasakyan ay mabawasan pa ito kapag nagsimula na ang paghuhukay. Kaya tiis-tiis pa lalo.
At bago sana magsimula ang paghuhukay ay maayos na ang serbisyo ng Metro Rail Transit 3. Marami na sanang tren para mabawasan ang mga pila.
Kung maayos ang MRT at mas mabigat ang trapik sa Edsa malamang ay mas maraming sumakay dito.
At “yung mga side street, pwede na ba ‘yang linisin. Ginagawa pa ring parking kaya hindi madaanan ng mga umiiwas sa main street.
Sa baba ng downpayment ng mga sasakyan ngayon ay marami talaga ang bumibili kahit na wala naman silang parking.
Pwede bang maging requirement ang pagkakaroon muna ng parking bago makabili ng sasakyan?
At kung sakali na dadayain ‘yung parking requirement, ang parusa ay kukumpiskahin ng gobyerno ang sasakyan.
Kung hulugan ang pagbili, siyempre malamang sa kumulang hindi na ito bayaran nung naghuhulog kasi kinuha na e, kaya dapat pati ang bangko ay maghigpit. Siguruhin nila na mayroong parking ang uutang ng pambili ng sasakyan.
Yung mga bumibili naman ng cash, malamang may parking sila o kaya nilang bumili ng parking. Kaya ngang bumili ng sasakyan ng isang bayaran, parking pa, di ba?