SA ilalim ng chairmanship ni Pangulong Duterte sa katatapos na ASEAN Summit, naging makasaysayan ito para sa Association of Southeast Asian Nations dahil nagkasundo silang lumagda sa isang landmark pact na tinaguriang “ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers”.
Itinuturing itong regalo ng Pilipinas sa buong rehiyon.
Napapanahon nga ang kasunduang ito dahil ang mga bansang miyembro ng ASEAN ang siyang nagpapadala ng mga manggagawa sa ibayong dagat at patuloy na lumalago ang bilang nito. Kaya naman mas pinaiigting ngayon ang pagbibigay proteksyon at pagsusulong ng kanilang mga karapatan.
Pero may hangganan nga ba ang mga karapatang ito?
Habang nananatiling legal ang isang migrant worker, protektado ito ng lahat ng kanyang mga karapatan na umiiral sa ilalim ng batas. Nawawala lamang ang bisa ng mga karapatang ito kapag nagtapos na at hindi na legal ang kaniyang pananatili sa bansang kinaroroonan kung kaya’t tinatawag na silang undocumented workers.
Hati naman ang pagtingin ng ilang mga bansa na miyembro ng ASEAN. Para sa Singapore at Malaysia, security threat ang mga illegal migrant workers. Ngunit para sa bansang Pilipinas at Indonesia, usapin ‘anya ito ng human rights o karapatang pang-tao.
Posible ngang maging banta sa seguridad ang ilegal na mga nanatilli sa kanilang mga bansa. Ang kanilang legal na mga dokumento na siyang pangunahing pagkakakilanlan ng pagiging isang mabuting mamamayan ay patunay lamang na protektado siya ng kaniyang mga karapatan.
Law abiding citizens ang tawag sa kanila. Kapag sumusunod sa batas, hindi nga naman sila papayag na maging ilegal. Kahit anong mangyari, uuwi sila sa sariling bayan dahil mas paiiralin nila ang pagtataglay ng mabuting budhi kaysa sa baluktot na pangangatuwirang “bahala na” dahil gipit at nangangailangan.
Kung magiging usapin naman ito ng karapatang pangtao, disin sana’y ganito na rin ang magiging katuwiran ng nakararaming mga nandarayuhan, hindi lamang mga Pilipino, at sasabihin nilang karapatan nila iyon bilang tao kahit ilegal na sila sa bansang kinaroroonan.
May kani-kaniyang dalahin at responsibilidad ang bawat indibidwal, anuman ang kaniyang lahi. At isa na nga rito ang pagiging masunurin sa batas.
Ang pagsunod sa mga batas na ito ang siyang nagbibigay ng karapatan sa tao na ilaban niya iyon dahil nasa katuwiran siya!
Gayunpaman, magandang balita ang kasunduang ito dahil magiging maayos ang pagtrato sa kanila tulad din ng kanilang sariling mamamayan. May patas at tamang mga labor contracts, labor standards at mabibigyan ng kinatawan pagdating sa mga usaping legal kung ito’y hindi nasusunod o kaya’y naaabuso.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com