TATANGGAP ng benepisyo ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor na nagtamo ng pagkasugat, pagkabalda o sakit dahil sa trabaho.
Umaabot sa kabuuang P700 milyong pisong halaga ng benepisyo sa unang kalahating bahagi ng taong 2017 ang Employees Compensation Commission (ECC) ang inilabas ng ECC para sa mga manggagawa.
Kasama sa tulong na ipinamahagi ay tinanggap ng mga benepisyaryo ng mga manggagawa na namatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Iniulat ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis na sa ilalim ng mas pinalakas na Employees’ Compensation Program (ECP), inaprubahan ng ahensya ang kabuuang 142,812 claim na nagkakahalaga ng P672,521,916. Ang paglalabas ng pondo para sa benepisyo ay ginawa sa pamamagitan ng Social Security System (SSS) at ng Government Service Insurance System (GSIS).
Malaking bahagi ng benepisyo ay nailabas sa pamamagitan ng SSS na nagkakahalaga ng P571.78 milyong piso para sa 122,707 claim.
Sa naturang halaga, 74 na porsyento o P421.1 milyong piso ay napunta para sa death at pension benefits na may 97,918 claims habang ang natitirang bahagi nito ay ipinamahagi para sa sickness benefits, disability, medical services reimbursements, funeral benefits, at rehabilitasyon.
Samantala, ang GSIS ay nakapagproseso naman ng 20,105 benefit claims na nagkakahalaga ng P100 milyong piso habang P75.73 milyong piso rito ay inilaan para sa death at pension claims.
Nagawa ng ahensya na maiangat ang nailalabas nitong pondo ng 43 porsiyento habang nakapagtala ito ng dalawang porsiyentong pagbaba sa bilang ng mga ipinoprosesong claims mula Enero hanggang Hunyo 2017, kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang state insurance fund (SIF) sa SSS ay inaasahang tatagal pa hanggang sa taong 2080 habang ang sa GSIS fund naman ay hanggang 2059.
Binuo ang ECC upang ipatupad ang ECP na nagbibigay ng mga programa at benepisyo para sa mga pampubliko at pribadong empleyado, maging ang kanilang mga dependents sa oras na magkaroon ng mga insidente tulad ng pagkakasakit, pagkasugat, pagkabaldado, o pagkamatay habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho.
Executive Director Stella Banawis
Employees Compensation Commission (ECC)
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.