Labi ni Hashtag Franco iki-cremate sa Biyernes, nanay nagpasalamat sa madlang pipol

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang pamilya ni Hashtag Franco Hernandez na wala na ang binata, lalo na ang kanyang inang si Gng. Marissa Hernandez.

Nalunod si Franco noong Sabado sa isang beach sa Davao Occidental. Nakaligtas ang kanyang girlfriend at tatlo pang kaibigan sa nasabing aksidente. Naiuwi na ang labi ng binata sa Manila at idiniretso agad sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City.

Sa interview ng ABS-CBN News sa nanay ni Franco, nagpasalamat ito sa lahat ng mga nagmamahal sa anak lalo na sa mga nakiramay sa kanila.

“Sa lahat po sa inyo, maraming salamat sa mga messages niyo although unfortunately, we are not able to read all of them but we are thankful for everything,” anito.

Nagpasalamat din si Marissa sa talent management ni Franco (Cornerstone) at sa ABS-CBN para sa mga naitulong ng mga ito sa kanilang anak.

Sa darating na Biyernes na nakatakda ang cremation sa labi ni Franco sa Arlington Memorial Chapel.

Read more...