KAHIT na umani si Pangulong Gloria ng batikos dahil sa kanyang pagtakbo sa Pampanga bilang kongresista, bale wala ang mga ito sa kanya.
Hindi niya iniinda ang mga puna ng taumbayan sa kanyang pagkakandidato sa mas mababang posisyon.
Bakit hindi siya tinatablan ng kahihiyan?
Dahil makapal ang mukha ng Pangulo, singkapal ng asero.
* * *
Iminumungkahi ni dating Pangulong Ramos na bumitiw si Aling Gloria sa tungkulin upang magkaroon ng “level playing field” sa Pampanga congressional district kung saan siya tumatakbo.
Mahina ang kalaban ni Gloria. Hindi siya kilala.
Pero kahit na kilala ang kanyang magiging kalaban—gaya ni UP Prof. Randy David, na umatras na—hindi ito mananalo dahil ginagamit ni Gloria ang kanyang posisyon upang magbigay ng pabor at materyal na mga pangangailangan ng kanyang constituents.
Walang pakialam si GMA sa mga sinasabi ng taumbayan na ginagamit niya ang kanyang pagiging Pangulo upang maiboto bilang kongresista sa Pampanga.
Talagang sa pagiging walanghiya, walang tatalo kay GMA.
* * *
Sobra sipsip naman noong pari sa Pampanga kay GMA!
Inihalintulad ni Fr. Roland Moraleja si GMA kay Jesucristo na bumaba sa lupa upang pagsilbihan ang sangkatauhan.
Ibinaba ni GMA ang kanyang sarili, sabi ni Moraleja, upang pagsilbihan ang kanyang mga kabalen.
Huwag tayong magtaka kung ilalagay ni Moraleja ang retrato ni GMA side-by-side sa imahe ni Cristo sa altar ng kanyang simbahan.
* * *
Muntik nang kinuyog si Press Secretary Cerge Remonde ng mga ralyista sa Chino Roces Bridge (dating Mendiola Bridge) nang mag-rally ang mga media people at aktibista dahil sa pagpatay ng aming kasamahan sa pamamahayag sa Maguindanao.
Ang akala siguro ni Remonde ay “cute” siya at makikinig sa kanya ang dating mga kasamahan sa media.
Kung di lang sa mga babaeng journalists na nagtakip ng kanilang mga katawan kay Remonde, baka na-tsogi na siya ngayon.
Pero binato pa rin siya ng empty plastic glass at sinigawan ng boo.
Kung ako ang nasa puwesto ni Remonde ay nag-resayn na ako dahil sa pagkamatay ng maraming taga-media sa Maguindanao.
Sinisisi ng media si Gloria dahil pinayagan niyang mag-armas at magkaroon ng maraming bodyguards ang mga Ampatuan na suspect sa masaker.
Dating newsman itong si Remonde at dapat ay ipinakita niya ang simpatiya sa mga napatay na mamamahayag sa pamamagitan ng pagbitiw sa kanyang tungkulin.
Kapag wala na si Gloria at bumalik si Remonde sa media, hindi siya igagalang ng kapwa niyang taga-media.
* * *
Kung may delikadesa rin itong si Director General Jess Verzosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), dapat ay nag-resayn siya dahil sa pagkakasangkot ng ilang miyembro ng PNP sa masaker.
Sa Japan, nagre-resayn ang lider kapag gumawa ng abuso ang kanyang mga tauhan.
Isang insidente sa Japan ang nagpapatunay kung gaano kahalaga ang delikadesa sa mga Hapon.
Isang pulis na naka-asayn sa isang lugar bilang beat patrolman ang nanggahasa ng isang housewife sa kanyang patrol area.
Nagpakamatay ang supervisor ng patrolman at maging ang chief of police ng bayang yun ay nagresayn.
Di kalaunan, nagbitiw sa tungkulin ang commissioner ng pulisya sa bayang yun.
Hindi ko sinasabi na magpakamatay si Verzosa dahil sa pagkakasangkot ng kanyang mga tauhan sa Maguindanao massacre, pero dapat ay magbitiw siya sa kahihiyan.
Imagine, policemen not only tolerating the massacre but taking part in it as well!
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 120309