May nagawa ba? O puro pangako lang?

HAYAN at nakapagsumite na sila ng mga papeles para basbasan ng Commission on Elections kung puwede silang tumakbo o hindi. Napakarami nila. Nakalilito ba? Hindi naman. Magagaling sila sa boladas. Kapag kausap mo, sila na ang matatalino. Lahat bobo. Lahat mali. Walang pinag-iba sa mga bolerong ninong. Sa unang linggo pa lang ng Disyembre ay mangangako na ng ibibigay sa Pasko. Sa unang linggo pa lang ay pinaaasa ka na. Na may tatanggapin pagsapit ng Pasko at giginhawa ang buhay mo o magiging masagana, kahit saglit lang. Para silang driver ng pampasaherong jeepney, o barbero. Lahat na lang ay mali ang tinahak sa buhay. Lahat na lang ay mali ang ginawa. Para sa driver, tama ang kanyang tinahak. Para sa barbero, tama ang kanyang gupit. Silang dalawa, babayaran mo, sa ayaw at sa gusto mo. Pagkatapos ng lahat. Ganyan ang mga politiko, lalo na ang trapo (traditional politician). Mga bolero sila. Mga sinungaling. Mga manloloko. Wika nga sa Ingles, at the end of the day, ikaw ang bubuhay sa kanila. Sa ayaw at sa gusto mo, magbabayad ka ng buwis. Para sa iyo? Hindi. Para sa kanila. Kung meron man sa iyo, konti lang. Marahil, hangga’t maaga pa, mag-isip ka na. Magtanong. Be an inquirer, wika nga. Tama naman iyon. Magtanong. May nagawa ba ang kandidatong iyan sa kabila ng matagal na panahon bilang lingkod-bayan (kuno)? Naiangat ba niya ang antas ng pangkalahatang pamumuhay (huwag maniniwala sa paratang na marami ang naghihirap ngayon dahil wala pang namamatay sa gutom at labis na kahirapan. Huwag maniniwalang naghihikahos ang mga nangangalkal ng basura dahil may pera sa basura kaya meron silang load)? O pinabayaan niya ang mismong constituents niya? Ang mga politiko ay mga henyo sa pangako. Nakapagtataka, pero totoo, na wala namang kurso para maging dalubhasa sa pangako. Pero, mga valedictorian, suma at magna cum laude sila sa pangako. Yan na naman ang gagawin ng mga iyan. Ang bilugin ang ulo mo sa pangako. Ang sisihin ang lahat, maliban ang sarili niya. Hindi niya sisisihin ang sarili niya dahil siya ang pinakamagaling. Manira at mangako.

BANDERA Editorial, 120309

Read more...