Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
4 p.m. La Salle vs Adamson
Final team standings: *Ateneo (13-1); *La Salle (12-2); *Adamson (9-5); *FEU (7-7); UP (6-8); NU (5-9); UE (3-11); UST (1-13)
* – semifinalist
HINDI pinaiskor ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University sa loob ng huling dalawang minuto ang karibal na Ateneo de Manila University upang itakas nito ang 79-76 panalo para mapigilan ang 14-0 sweep at ang stepladder semifinals sa huling araw ng eliminasyon ng UAAP Season 80 men’s basketball Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Inihulog ng Green Archers ang 10-0 bomba sa natitirang 1:54 ng laro upang kumpletuhin nito ang pag-ahon mula sa 12 puntos na pagkakabaon tungo sa pagtala ng matinding pagbalikwas sa liga sa pagsungkit sa ika-12 panalo kontra sa dalawang kabiguan.
Hindi lamang nakabawi ang Green Archers sa nalasap na kabiguan sa kanilang unang paghaharap ng Blue Eagles kundi nadismaya nito ang karibal sa hangad na agad na pagtuntong sa kampeonato sa pagpapalasap dito ng unang kabiguan matapos ang 13 sunod na panalo.
Nagawang itala ng Blue Eagles ang 55-43 kalamangan sa ikatlong yugto mula sa layup ni Raffy Verano bago na paunti-unting umahon ang Green Archers na nagawang agawin ang abante sa 77-76 mula sa drop shot ni Kib Montalbo, may 40.3 minuto sa laro na pinanood ng kabuuang 13,967 katao.
Una munang umiskor sina Abu Tratter, Ben Mbala at Ricci Rivero para idikit ang Green Archers sa 75-76 bago ang pang-abante na puntos ni Montalbo na sinandigan ng La Salle upang itulak ang crossover semifinals na agad na sisimulan sa Sabado.
May pagkakataon pa sana ang Ateneo na makamit ang asam na sweep subalit sumablay sa kanyang tira sa tres si Anton Asistio habang hindi naipasok ni Isaac Go ang kanyang tira sa huling 12.6 segundo ng laban na naging daan para sa dalawang free throw ni Rivero para sa 10-0 bomba.
Nagtangka pa ang Ateneo na agawin ang panalo sa natitirang 8.9 segundo subalit nablangka ni Tratter ang huling tangka ng Blue Eagles.
Pinamunuan ni Mbala ang Green Archers sa kinolekta na 28 puntos, 19 rebound, anim na assist at anim na block. Ang 19 rebound, 6 steal at 6 block ni Mbala ay nagtabla rito para sa single game record sa UAAP Season 80 sa steals, blocks at rebounds.
Nag-ambag naman si Rivero ng 21 puntos, limang rebound, dalawang steal at isang block habang si Tratter ay may walong puntos at anim na rebound.
Samantala, naiwasan ng University of Santo Tomas Growling Tigers na mahulog sa 0-14 kartada sa pagsungkit nito ng 88-85 panalo kontra University of the East Red Warriors para tuluyang tapusin ang kampanya sa torneo.