NGAYONG gabi ang Gala Night ng pelikulang “‘Nay” nina Sylvia Sanchez, Jameson Blake at Enchong Dee sa Trinoma Cinema kaya excited na ang award-winning actress.
Nakasisiguro kami na magiging blockbuster ang “‘Nay” sa Cinema One Originals Film Festival 2017 dahil sa siyam na entries ay ito ang pinakamaingay at base sa mga feedback na naririnig namin ay interesting daw ang kuwento ng pelikulang idinirek ni Kip Oebanda.
Sa isang meeting ni Sylvia kina Direk Jun Robles Lana, Perci Intalan at Omar Sortijas ng IdeaFirst Company para sa next movie project nila next year ay napagkuwentuhan ang shooting ng “‘Nay” at dito nga ikinuwento ng aktres kung paano niya na-enjoy ang shoo-ting nila maski na “malagkit” ang kanilang location.
“‘Yung kuha naming tatlo nina Jameson at Enchong na may mga dugo sa katawan at sa sahig, kinunan lang ‘yun sa cellphone, hindi ‘yun ang poster, pero ang ganda ng labas, di ba? After kunan ‘yun, pinapaalis na kami kasi nga malagkit ‘yung dugo, e, nag-enjoy kami do’n, so parang naglaro-laro lang kami,” kuwento ng aktres sa dalawang direktor.
Inimbita rin ni Ibyang sina direk Perci at Jun na panoorin ang “‘Nay” at umoo naman ang dalawa.
Parating nanay ang papel ni Ibyang sa mga pelikula at teleserye kaya natanong siya nina direk Jun at Perci kung may challenge pa? “Kaya nga gusto ko iba-ibang klaseng nanay. Like sa The Greatest Love, ibang nanay ako na may Alzheimer’s na hanggang saan ako iintindihin ng mga anak ko.
“Dito sa bagong teleserye ko, sa Hanggang Saan, ibang klaseng nanay naman ako, ano ang kaya kong gawin para sa mga anak ko,” pahayag ng aktres.
Pero sa pelikulang “Mama’s Girl” produced by Regal Films na idinirek ni Connie Macatuno ay ibang klase naman daw ang pagkananay ng aktres, “Sa ‘Mama’s Girl’, makulit na nanay ako ni Sofia Andres, cool at nakaayos ako, hindi ako mahirap dito. Ha-hahaha!” natatawang sabi ni Ibyang.
Anyway, siniguro naman ng IdeaFirst bosses na ang pelikulang gagawin ni Sylvia sa kanila ay hindi mahirap ang papel, “Middle class, may sari-ling sasakyan, may driver, okay ang buhay nila,” sabi sa amin ni direk Perci.
Excited si Sylvia sa unang project niya sa IdeaFirst dahil first time raw niyang gaganap ng ganitong klaseng papel na nanay at kumpleto ang pamilya, “Gusto ko nang mag-shoot agad, excited na ako,” masayang sabi ng aktres kina direk Jun at Perci.
Going back to “‘Nay”, may pa-block screening pala ang Beautederm owner na si Ms. Rei Tan sa Rockwell Cinema sa Nob. 26, 5 p.m..