NAIHATID na sa kanyang huling hantungan si Isabel Granada. Ito na ang unang umagang hindi na siya kasama nina Mommy Guwapa at Arnel Cowley.
Napakasakit din nito para sa kanyang anak na si Hubert at kahit matagal na silang hiwalay ni Geryk Aguas ay hahanap-hanapin din ng mag-ama ang namayapang aktres.
Lahat ng mga nakakakuwentuhan namin at kahit kami mismo ay makapagsasabi na ang unang araw pagkatapos ilibing ang namayapa nating mahal sa buhay ang pinakamasakit.
Wala na ang mga nakikiramay, ang mga kamag-anak ay nagkani-kanyang uwian na rin, masakit sa damdamin ang kawalan ng presensiya ng mahal natin sa buhay na hinding-hindi na natin kailanman makakasama uli.
Ang bakanteng upuan sa hapag, ang boses na nakasayanan na nating marinig, ang mga nakaugalian niyang gawin na ngayon ay hindi na natin nakikita.
Si Mommy Guwapa ang inaalala ng mas nakararami. Kay Isabel na kasi umikot ang kanyang buhay, si Issa ang kumumpleto sa buhay ni Mommy Guwapa, si Isabel ang lahat-lahat para sa kanya.
Isang sugat na walang paghilom ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Lumipas man ang maraming-maraming taon ay sumisigid pa rin ang lungkot, ramdam pa rin ang sakit, dahil nag-iisa lang ang hiram nating buhay na walang maaaring makapalit.