BUMUHOS ang pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ng Hashtag member na si Franco Miguel Hernandez, na nasawi matapos mahulog sa bangka at malunod sa dagat na sakop ng Don Marcelino, Davao Occidental Sabado ng hapon.
Kaliwa’t kanan ang mga mensahe sa social media mula sa mga kaibigan at mga fans ng Hashtag member matapos makumpirma ang pagpanaw ng binata.
Si Franco, 26, ay miyembro ng Hashtag na regular na napapanood sa Showtime ng ABS-CBN.
Ayon sa report ng pulisya, ala-1 ng hapon nang pumunta sa white sand beach sa North Lamidan, Don Marcelino ang grupo ni Franco.
“Accordingly sa kasama niya at sa bangkero mga ala-1 pumunta sa white sand beach sa North Lamidan, Don marcelino, tapos mga alas-3 ng hapon, napansin ng bangkero lumalaki alon, nagdecide siya umuwi sa resort while nasa biyahe sila,” ayon sa kuwento ni PO2 Rolly Conat.
“Medyo malalaking alon na tumama sa bangka, napasukan ng tubig bangka nila, nung napasukan ang bangka, nag-advise ang bangkero na magdismebark sila, para di lumubog bangka, pero kapit lang. Nung nakakapit, si Franco at kasama na isa nakabitiw.
“Nung nakita ng bangkero nilangoy niya at sinave yung 2, nung nahawakan niya yung 2 tao, dinala sa baybayin, pero si Franco unconscious na, nirevive ng bangkero, unconscious pa rin, dumating mga kasamahan ni franco, first aid din, tapos dinaala sa Malita, Estacion Clinic, pasado alas-7, DOA (dead on arrival) na,” kuwento ng pulis.
Ayon pa kay Conat, si Ramil Mosqueda ang nag-report sa pulisya ng insidente. Hindi kasama si Mosqueda sa bangka.