Marawi rehab di matutulad sa Yolanda —Imee
GINUNITA ng bansa noong Nobyembre 8 ang ika-apat na taon ng pagtama ng super typhoon Yolanda matapos ang naranasang pananalasa nito partikular sa Tacloban City at iba pang lugar sa Eastern Visayas at kasabay naman nito, sinisimulan na ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Apat na taon na matapos ang super typhoon Yolanda pero hanggang ngayon ay kulang na kulang pa rin ang tulong na natatanggap ng mga biktima ng bagyo.
Marami pa ring mga biktima ang nagtatanong kung nasaan na ang ipinangakong tulong at maging ang napakalaking donasyon na ibinigay ng iba’t ibang bansa para sa mga nasalanta ni Yolanda.
Napakabagal pa rin ng rehabilitasyon sa maraming lugar sa Eastern Visayas, lalu na sa Tacloban City.
Dahil sa sinapit ng mga biktima ng bagyong Yolanda, marami ang nangangamba na ganito rin ang sasapitin ng Marawi City.
Umaasa naman si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na hindi matutulad ang Marawi City sa Tacloban City na umabot na ng ilang taon ay wala pa ring nangyayari.
Sinabi ni Marcos na usad pagong ang mga ipinangakong pabahay sa mga nawalan ng bahay, gayun din ang livelihood program para sa mga biktima ni Yolanda.
Ayon kay Marcos, pinangakuan ng kung ano-ano ang mga Yolanda victims ng nakaraang administrasyon, ngunit sa kasawiang palad, hindi naman ito naideliber.
Mabagal na nga ang paggawa ng mga pabahay, lumalabas na substandard pa? ang pagkakagawa ng mga ito, sabi pa ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na dapat tiyakin ng administrasyon na hindi matutulad sa nakaraang administrasyon ang ginagawang rehabilitasyon sa Marawi City, sa harap naman ng puro pangako sa mga Yolanda victims na pawang napako lamang.
Naniniwala si Marcos na mas mabilis na maibibigay ang ayuda sa mga apektadong residente ng Marawi? City.
Kumpiyansa si Marcos na hindi magagaya sa Yolanda victims ang mga taga Marawi City sa harap na rin ng determinasyon ng kasalukuyang administrasyon na maka-recover sila sa lalong madaling panahon.
Ayon pa kay Marcos, hindi na dapat maranasan ng mga taga Marawi City ang masaklap na naranasan ng mga Yolanda victims na kung saan apat na taon pero naghihintay pa rin sa pangako sa kanila ng pamahalaan.
Malapit kay Marcos ang Tacloban dahil taga doon ang kanyang inang si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.
Kaisa naman ang buong bansa sa hangarin ng pamahalaan na manumbalik sa dati ang Marawi City matapos naman ang kinasapitan ng lungsod sa limang buwang pananatili ng teroristang grupong Maute.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.