NAG-VIRAL ang video ni Xander Ford kung saan kinakanta niya ang hit song ni Iñigo Pascual na “Dahil Sa ‘Yo”. Maraming netizens ang nag-like at nag-share nito, pero meron ding bashers ang nambasag sa binata.
Ilang netizens ang nagsabi na dapat daw pagbawalan ni Iñigo si Xander na kantahin ang kanyang pinasikat na song dahil sinisira raw ito ng kontrobersyal na internet sensation. Ayon naman sa ibang fans ni Iñigo, hindi bagay kay Xander ang kanta kaya tigilan na nito ang “panggagaya” sa kanilang “lodi”.
Pero siyempre, may nagtanggol din kay Xander at nagsabing wala silang nakikitang masama kung favorite nitong kantahin ang “Dahil Sa ‘Yo”, hindi naman daw ito krimen at dapat nga raw ay ma-flatter pa ang anak ni Piolo Pascual dahil maraming umiidolo sa kanya.
Nang tanungin naman si Iñigo kung ano ang reaksyon niya na paboritong kantahin ni Xander Ford ang kanyang hit song sa mga guesting nito, anito, “Masaya ako na kinakanta niya ‘yung kanta ko. Sobra akong natuwa du’n.
“Actually imbes na ma-bad trip ako, kasi ‘yung mga tao sinasabi naba-bad trip daw sila, ako hindi ako naba-bad trip. Masaya ako na kinakanta niya ‘yung ‘Dahil Sa ’yo’ kaya suportahan kita diyan. Gawan pa kita ng kanta,” positibong pahayag pa ng young singer-actor.
In fairness, binigyan pa ni Iñigo ng payo si Xander, “Ako na-meet ko si Xander sa ASAP actually. He’s passionate with what he’s doing. Ginagawa niya lahat. Sana lang ano isipin na lang niya ano ‘yung gusto niya, hindi ‘yung ano ‘yung meron siya. Focus muna siya sa pagkamit ng pangarap.”
q q q
Tuloy na ang Pinoy version ng widely successful TV series na Boys Over Flowers. Pumirma na ng co-production deal ang GMA Network, kasama ang JU Entertainment Movie and Drama, isang Philippine company na may Korean counterpart, para sa nasabing programa.
Ang Boys Over Flowers ay base sa Japanese manga series na Hana Yori Dango. Ito ay kwento ng isang spunky school girl na nakatanggap ng scholarship grant para makapasok sa isang prestihiyosong paaralan. Sa kanyang pagpasok dito, mapupukaw niya ang interest ng apat na mayayaman, sikat at gwapong mga lalaki na tinatawag na F4 (short for Flower 4).
Ang nasabing series ay sikat rin at nagkaroon ng sariling bersyon sa ibang bansa gaya ng Taiwan, Japan and Korea. Masaya ang GMA Network First Vice President for Program Management na si Jose Mari Abacan na ibalita na GMA ang magpapalabas ng Philippine adaptation ng sikat na TV series na nagpasikat sa ilang kinikilalang Asian stars.
“We’re very pleased to announce that we are doing our own version of Boys Over Flowers in partnership with JU Entertainment Movie and Drama. It’s a huge project and we promise to give our viewers something to look forward to soon.”
“We hope that we live up to their expectations and I know the talent of the Filipinos is something to be proud of worldwide so I’m sure that we won’t disappoint,” dagdag naman ng GMA Films and GMA Worldwide President na si Annette Gozon.
Samantala, umaasa si JU Entertainment Movie and Drama Chief Executive Officer na si Son Jong Wook sa isang successful partnership kasama ang GMA Network. “I would like to thank GMA for the partnership. Looking forward to a fruitful relationship with the Network and we are all excited with this project.”