DAPUDONG bagong IBO KING

UMISKOR ang tubong North Cotabato na si Edrin “The Sting” Dapudong ng matinding first round knockout laban kay South African champion Gideon Buthelezi para masukbit ang International Boxing Organization (IBO) junior bantamweight title sa sagupaang ginanap sa Emperor’s Palace Resort and Casino sa Johannesburg, South Africa kahapon.

Ang panalo ng 27-anyos na anak ng isang magbubukid mula sa Barangay Pag-asa, M’lang, North Cotabato ay naggawad din sa kanya bilang kauna-unahang world boxing champion mula sa North Cotabato at una mula sa Braveheart Boxing Club ng magkakapatid na Piñol.

Nakabawi rin si Dapudong mula sa kontrobersiyal na pagkatalo kay Buthelezi sa kanilang unang paghaharap noong Nobyembre 10, 2012 kung saan pinatumba niya ang South African ikasiyam na round subalit ang dalawa sa tatlong judge ay ibinigay ang panalo kay Buthelezi sa pamamagitan ng split decision.

Pumasok sa ring si Buthelezi na malaki ang kumpiyansa dahil na rin sa suportang ibibigay ng hometown crowd subalit agad namang pinatahimik ni Dapudong ang mga kababayan nito nang makatama ng malalakas na suntok sa tiyan ng South African champion.

Ito ang naging gameplan ng manager ni Dapudong at dating North Cotabato Governor Manny Piñol at cornerman Reynaldo “Jeff” de Guzman na dinesenyo para mapigil ang maliksi at dating Olympian para hindi ito makatakbo tulad ng ginawa nito sa unang sagupaan.

Sa 2:30 marka ng unang round ay nagbigay si Dapudong ng malakas na kanang suntok sa tiyan ng kaliweteng champion at nang ibaba ni Buthelezi ang kanyang depensa sa kanyang tiyan, nagpalabas ang Pinoy challenger ng kanyang signature left hook na tumama sa puson ng South African fighter.

Bumagsak si Buthelezi sa canvas na una ang mukha at ang American referee na si Robert Byrd ay binilangan ang South African champion na hindi na nakabangon sa 2:39 marka ng unang round. Napaiyak si Dapudong nang makitang si Byrd ay na-count out si Buthelezi.

At sa pagsampa ni Piñol sa ring para yakapin ang kanyang boksingero sinabi nito sa kanya na: “Sir, your dream has been realized.” Ang manalo ng world boxing title ay matagal nang pangarap ng 27-anyos na bagong world champion noong siya ay 14-anyos pa lamang.

Ito ay nangyari naman nang simulan ni Piñol at ng kanyang mga kapatid na sina Noli at Socrates ang isang grassroots boxing program na nagbunga naman ng mga may potensiyal sa boksing. At matapos ang apat na pagtatangka sa world title ay nakamit din ni Dapudong ang inaasam.

Read more...