PNoy nagpiyansa sa Sandigan; muntik na silang magpang-abot ni Binay
NAGPIYANSA na si dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Sandiganbayan sa harap ng mga kinakaharap na kasong graft at usurpation of authority kaugnay ng madugong insidente ng Mamasapano noong 2015.
Muntik na ring magpang-abot sina Aquino at dating Vice President Jejomar Binay na kapwa humarap sa iisang division ng Sandiganbayan kung saan sila may kinakaharap na magkaibang kaso.
Kapwa hinahawakan ng Sandiganbayan Third Division na pinangungunahan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang mga kaso nina Aquino, Binay at anak ng dating bise presidente na si dating Makati Mayor Junjun Binay.
Ganap na alas-4 ng hapon nang pumunta si Aquino sa opisina ng division para maglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan matapos siyang kasuhan kaugnay ng operasyon sa Mamasapano na nagresulta sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
Humarap naman ang mga Binay para basahan ng sakdal kaugnay ng kanilang mga kasong graft malvaersation na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang P2.28 bilyong Makati City Hall Building II.
Naglagak si Aquino ng P40,000 piyansa para sa kasong graft at P10,000 naman para sa kasong usurpation of authority.
Sinamahan siya ng mga kapatid na babae na sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abelleda, at Viel Aquino-Dee, pamangkin na si Sen. Bam Aquino at iba pang kaalyado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.