Ngiti-ngiti na lang sa airport ngayong Xmas

INILALAAN ng marami nating mga OFW ang buwan ng Disyembre para sa kanilang mga pagbabakasyon. Kung may mapagpipilian nga naman, mas nais nilang makasama ang pamilya sa pagtatapos ng taon dahil bakasyon din ang kanilang mga anak sa eskwela, maging ang mga trabaho, hindi na rin regular ang pasok.

Pero ito naman ang mga panahong inaabangan ng ilang mga tiwaling kawani sa ating mga airport.

Hinihintay-hintay nila ang pagkakataong ito para makapagsamantala ng kapwa.

Sinasamantala ang nagdadatingang OFW para makapagparinig nga naman at tuloy makapanghingi na rin ng aginaldo sa katwiran na ‘tis the season of giving.

Tulad na lang ng pagdating ng OFW mula sa United Kingdom. Tanong ng airport employee kung matagal na ba ang Pinay sa UK at saan ito nagtatrabaho doon. Sagot ng Pinay, matagal na siyang nagtatrabaho sa London.

Sabay bitaw ng kaniyang pamatay na dialogue na: “Ano ba ang pera ninyo sa London? Sagot ng Pinay, “Pounds po”!

Sabi ng empleyado, “Hindi pa ako nakakita ng Pounds!”

Sa puntong iyon kumuha ng perang “Pounds” ang Pinay at ipinakita sa kaniya. Nang mahawakan na iyon ng airport employee, sabay sabing: “Remembrance na ito ha! Souvenir!”

Simpleng mangotong hindi ba?

At marami pang iba’t-ibang mga bulok na estilo at pakulo ang mga iyon makapanghingi lamang. Hindi na nila gagawin ang laglag-bala, panis na iyon at hindi nga naman babagay sa espiritu ng pagbibigayan.

Kung kaya’t naglabas naman ng direktiba ang Manila International Airport Authority o MIAA sa lahat ng kanilang mga empleyado at mahigpit na ipinagbabawal ang pagbati ng “Merry Christmas” at “Happy New Year”.

Walang bati-bati! Ngiti na lamang ‘anya ang ipasalubong sa mga pasaherong nagsisiuwian!

Noon lahat ng pista opisyal may pambati rin sila. Basta makabati lang ‘anya at sabay makapagparinig para maambunan kahit konti ng mga kababayan mula sa abroad.

Sakop ng naturang pagbabawal ang lahat ng empleyado ng MIAA, PNP Aviation Security Group, Bureau of Immigration at Bureau of Customs.

Gayong nagsimula pa ang memorandum na ito noong panahon ni dating MIAA General Manager Alfonso Cusi, kung kaya’t taun-taon din na ipinaaalala ito ng MIAA.

Kasabay niyan, bantay sarado pa rin sila dahil tututukan ‘anya ng pamunuan ng MIAA ang kanilang mga CCTV camera kapag may mga empleyado silang nakitang nanghihingi o tumatanggap ng tip sa ating mga kabayan.

Gayong may mga kababayan tayong gusto talagang magbigay ngunit pinapaalalahanan din silang “No Tipping” policy ang ipinatutupad sa MIAA.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...