Patakaran sa pag-empleyo ng menor-de-edad pinilabas

INILABAS ng Department of Labor and Employment ang bagong patakaran sa pagbibigay ng work permit para sa pagtatrabaho ng kabataan sa public entertainment o information-related project.

Ang public entertainment o information sa ilalim ng Department Order No. 65-04 ay tinutukoy bilang “Artistic, literary, and cultural performances for television show, radio program, cinema or film, theater, commercial advertisement, public relations activities or campaigns, print materials, internet and other media’”.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9231, ang kabataang may edad 15 pababa ay hindi pinapayagang magtrabaho sa anumang pampubliko o pribadong establisyamento maliban na lamang kung sila ay direktang magtatrabaho sa ilalim ng pangangalaga ng kanilang magulang o guardian o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa pampublikong entertainment o pampublikong impormasyon.

Sa alinmang eksepsyon, kinakailangan munang kumuha ng working child permit sa DOLE ang employer, magulang o guardian bago kunin ang serbisyo ng bata.

Sa Department Circular No. 2, kinakailangan ang Working Child kung ang bata ay magtatrabaho sa public entertainment o information, ito man ay pang-lokal o sa ibang bansa, at kahit ano pa man ang magiging bahagi ng bata sa proyekto.

Kinakailangan din ng permit kung ang bata ay itatampok sa dokumentaryo maliban na lamang kung ito ay school-related project; at kukunin ang serbisyo bilang regular extra kasama ng maraming tao at kabilang sa script o storyboard.

Kinakailangan din ang nasabing permit para sa banyagang-bata na kukunin ang serbisyo para sa public entertainment sa Pilipinas.

Nililimitahan ng RA 9231 ang oras ng pagtatrabaho ng bata nang hindi hihigit sa apat na oras bawat araw at hindi hihigit ng mahigit 20 oras sa loob ng isang linggo. Hindi rin pinapayagang magtrabaho ang bata sa pagitan ng 8:00n.g. hanggang 6:00n.u. ng sumunod na araw.

Sa ilalim ng DO 65-04, ang aplikasyon para sa Working Child Permit ay dapat isumite ng employer, magulang o legal guardian sa DOLE Field Offices (FOs) na may hurisdiksyon sa lugar na pagtatrabahuhan ng bata tatlong araw bago ang shooting, taping, at event.

Kailangan ding nakasaad sa kontrata ng employer ang pagsunod sa batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata.

Kinakailangan magsagawa ang DOLE Regional/Provincial/Field Office ng orientation sa mga magulang o guardian at employer tungkol sa mga mahahalagang bahagi ng Republic Act No. 9231 bago nila ibigay ang Working Child Permit.

Ang bisa ng permit ay batay sa employment contract at hindi maaaring lumampas ng isang taon.

Ang patakaran ay magkakaroon ng bisa sa Enero 1, 2018.

Information and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...