Finals duel sisimulan ng San Beda Red Lions, Lyceum Pirates

Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
3:30 p.m. Lyceum vs San Beda
(Game 1, best-of-3 Finals)

PAKAY ng Lyceum of the Philippines University na mapanatili nito ang malinis na kartada habang asam ng defending champion San Beda College na mabasag ang winning run ng kalaban sa pagbubukas ng best-of-three finals series ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi na dumaan sa semis at agad na tumuntong sa finals ang Pirates matapos walisin ang 18 nitong laro sa eliminasyon habang kinailangan ng Red Lions na dumaan sa matira-matibay na labanan sa stepladder semifinals upang makapasok sa NCAA finals sa ika-12 diretsong taon.

Kahit pa hindi sila nakapaglaro ng 19 araw ay pinatalsik pa rin ng Red Lions ang season host na San Sebastian Stags, 76-71, sa semifinals nitong Martes.

“We have 19 days off, it’s really tough,” sabi ni San Beda coach Boyet Fernandez. “But if I give credit to Baste, I will give full credit to my players. They sacrificed a lot.”

Huli namang naglaro sa torneo ang Lyceum noon pang Oktubre 19 sa pagtatapos ng elims.

Para huwag kalawangin ay nakipagsagupa sa isang tuneup game ang Pirates laban sa Alab Pilipinas, ang koponan ng bansa sa Asean Basketball League.

Hangad ng Pirates na maiuwi ang pinakauna nitong tropeyo sa NCAA habang asam ng Red Lions ang ika-10 nitong korona.

Nakatuon din ang Pirates na maging unang koponan sa kasaysayan ng liga na makapagtala ng 20 diretsong panalo sa isang season.

Noong may walong miyembro pa lang ang liga ay nagtala ng 16-0 mark ang San Beda dalawang taon na ang nakararaan.

Ang NCAA ngayon ay may 10 teams.

“Kami naman nakatingin pa rin sa dati namin kinalalagyan,” sabi ni Lyceum coach Topex Robinson. “Kung ano ang ibibigay sa amin ay pasasalamatan namin ng taos sa puso.”

Matatandaang winalis ng Lyceum ang dalawang laro nito ngayong taon kontra San Beda na pinakauna rin nitong pagkakataon sa kasaysayan ng koponan. Tinalo ng Pirates ang Red Lions noong Hulyo 14 sa Filoil Flying V Centre sa iskor na 96-91 bago sinundan ng 107-105 double overtime panalo noong Oktubre 19.

Read more...